404 pulis na magsisilbing Special Electoral Board mula sa Region 3, 13 at Maritime Group 12, idineploy na sa iba’t ibang lugar sa BARMM
- Diane Hora
- 1 day ago
- 1 min read
iMINDSPH

Pinangunahan ni PNP PRO BAR Regional Director, PBGen. Romeo Macapaz ang send-off ceremony ng 404 police personnel na magsisilbing Special Electoral Board sa darating na halalan ngayong a-12 ng buwan.

Isinagawa ito sa Camp General Salipada K. Pendatun, Parang, Maguindanao del Norte a-30 ng Abril.

Itatalaga ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa BARMM.

Ang mga pulis ay mula sa Police Regional Office 3, Police Regional Office 13 at PNP Maritime Group 12.

Binigyang diin naman ni PBGen Macapaz ang mahalagang tungkulin ng pulisya sa pagpapanatili ng kaayusan, seguridad, at integridad ng halalan.

Hinikayat nito ang kanyang mga tauhan na manatiling apolitical, tapat sa sinumpaang tungkulin, at maging ehemplo ng propesyonalismo habang isinasagawa ang mandato para sa isang malinis at mapayapang halalan.

Kinilala naman ni BARMM COMELEC Regional Election Director, Atty. Ray Sumalipao ang dedikasyon at sakripisyo ng kapulisan sa pagtiyak ng ligtas at maayos na halalan.
Ibinahagi rin ni Atty. Sumalipao ang ilang mahahalagang paalala upang mapanatili ang integridad ng Halalan 2025, at tiniyak ang matibay na ugnayan sa pagitan ng COMELEC at ng PNP para sa maayos na pagsasagawa ng eleksyon sa rehiyon.
Comments