top of page

Isang paaralan, pinapanagot ng Supreme Court dahil sa kapabayaan kaugnay ng isang insidente ng pambu-bully na humantong sa pananakit ng isang estudyante sa klase noong 2007

  • Diane Hora
  • 4 days ago
  • 2 min read

iMINDSPH


Sa isang Desisyon na isinulat ni Associate Justice Mario Lopez, nakita ng Second Division ng Korte Suprema na nabigo ang isang paaralan na tugunan ang insidente ng pagsuntok na kinasangkutan ng tatlong grade school students.


Sa isang computer class, paulit-ulit na sinuntok ng dalawang estudyante ang kaklase habang nasa comfort room ang guro. Walang naging makabuluhang aksyon sa kabila ng pagsumbong ng biktima sa kanyang mga guro.


Hindi rin pinansin ng paaralan ang reklamo ng mga magulang ng biktima na nag-udyok sa kanila na maghain ng pormal na kahilingan para sa isang imbestigasyon.


Sa huli ay napagpasyahan ng paaralan na ang insidente ay “panunukso” o “rough play” at walang ginawang disciplinary action.


Nagsampa ng reklamo ang mga magulang ng biktima para sa mga pinsala laban sa paaralan, sa mga guro, at sa mga ama ng iba pang studyante.


Nagpasya ang Regional Trial Court (RTC) na may pananagutan ang paaralan at ang teacher-in-charge dahil sa kanilang tungkulin na protektahan ang mga mag-aaral sa oras ng pasukan.


Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng RTC hinggil sa pananagutan ng eskwelahan pero idineklara nitong walang pananagutan ang guro dahil absent ito nang mangyari ang insidente.


Pinagtibay ng Korte ang desisyon ng CA at binigyang-diin na ang mga paaralan ay may kontraktwal na obligasyon na tiyakin ang isang ligtas na kapaligiran sa pag-aaral.


Dagdag pa nito, dapat panatilihin ng mga paaralan ang kapayapaan at kaayusan sa loob ng kanilang lugar, at maging sa labas ng campus sa mga aktibidad ng paaralan. Ayon sa desisyon ng SC, Maaari lang nilang maiwasan ang pananagutan kapag napatunayang nagsagawa sila ng angkop na pagsisikap.


Ayon sa desisyon, napag-alamang naging pabaya ang paaralan dahil sa kawalan nito ng wastong protocol, pagkabigo na ipaalam kaagad sa mga magulang ng biktima ang nangyari, at mga kamalian sa pagsisiyasat nito.


Inatasan ng Korte ang paaralan na bayaran ang mga magulang ng biktima ng PHP 650,000.00 bilang danyos at bayad sa abogado.


Sinabi ng Korte na ang insidente ay bullying sa pangkalahatang kahulugan nito at hindi tulad ng tinutukoy sa ilalim ng Anti-Bullying Act of 2013 na wala pang bisa noong panahong iyon.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page