iMINDSPH

Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang bagong appointed members ng Bangsamoro Transition Authority Parliament. Pinangunahan ito ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua.

March 3, 2025 nang in-appoint ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pitumpo’t pitong miyembro ng Bangsamoro Transition Authority Parliament.

58 sa mga ito ang reappointed members at 19 naman ang new appointed members.

Nanatili namang bakante ang 3 parliament seats at hinihintay pa ng Bangsamoro Government ang opisyal na kumpirmasyon kung sino ang ookupa sa posisyon.

Hinihintay rin ng BARMM officials ang formal transmittal ng complete list ng members of Parliament mula sa Malacañang.

Ang mga bagong mambabatas ay magsisilbi ng pitong buwan bago ang kauna-unahang Bangsamoro parliamentary elections sa October 2025.

Ang transition ay kasunod ng pagsasabatas ng Republic Act No. 12123, na nagpapaliban ng halalan sa rehiyon na naunang itinakda sa buwan ng Mayo nitong taon.

Ang interim government ay pinamumuan na ng chief of staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces, Abdulraof Macacua matapos itong italaga ng Pangulo.

Pinalitan nito si Ahod Balawag Ebrahim, ang chairman ng Moro Islamic Liberation Front na nagsilbing chief minister simula nang maitatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao taong 2019. Nanatili ring miyembro ng BTA Parliament si Ebrahim.

Sa kabila ng pagpapalit ng liderato, ang interim Bangsamoro government ay nananatiling MILF led base na rin sa isinasaad sa Bangsamoro Organic Law.

Sa kanyang talumpati sa oathtaking ceremony, tiniyak ni Macacua ang pagpapatuloy ng pamamahala pero binigyang diin ang accountability.

Binanggit din ni Macacua na kailangang pag-aralan ang estado ng parliamentary seats ng Sulu matapos ang exclusion ng probinsya sa BARMM kasunod ng Supreme Court decision.

Sa ilalim ng Bangsamoro Electoral Code, pitong district seats ang inilaan para sa Sulu sa 80-member Parliament ng BARMM.

Hinikayat din ni Macacua na bilisan na ang pagsapinal ng Bangsamoro Revenue Code—ang huling priority legislation para makumpleto ang foundational governance framework ng BARMM region.
Itinakda ang fourth regular session ng Bangsamoro Parliament ngayong April 8, 2025 kung saan inaasahang ipaprayoridad ng mga mambabatas ang nasabing panukala.
Simula nang maitatag ang Bangsamoro Parliament, pitumpo’t dalawang panukala na ang naisabatas kabilang dito ang priority codes sa administration, education, civil service, local government, elections, at Indigenous Peoples’ rights.
Comments