AGRICULTURE SEC. FRANCISCO TIU, NANINIWALA NA PANAHON NANG IBALIK ANG KAPANGYARIHAN NG NFA NA MAGBENTA NG BIGAS DIREKTA SA MERKADO
- Diane Hora
- Dec 12, 2024
- 1 min read
iMINDSPH

Naniniwala si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na napapanahon nang ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) para makatulong sa pagpapatatag ng presyo ng bigas sa merkado. Ito ang ibinahaging report ng Radyo Pilipinas.
Sa pagharap ng kalihim sa pagdinig ng “Murang Pagkain Super Committee” sa Kamara, ipinunto nito na kailangan na muling pahintulutan ang NFA na magbenta ng bigas direkta sa publiko para magkaroon ng mas malakas na impluwensya ang pamahalaan sa presyuhan ng bigas at manatili itong abot-kaya sa mga mamimili.
Ayon sa report, mula nang maisabatas ang Rice Tariffication Law (RTL) noong 2019, malaki na aniya ang nabawas sa papel ng NFA kasama rito ang kapangyarihan na mag-angkat ng bigas at magbenta nang direkta sa mamimili.
Ayon sa kalihim, ang pagbabalik sa kapangyarihan ng NFA ay posibleng maging pangmatagalang solusyon sa problema ng mataas na presyo ng bigas at gayundin sa mga nagmamanipula nito.
Sa ngayon, mayroong hawak na buffer stock ang NFA na halos anim na milyong sako ng bigas na maaari aniyang ibenta sa publiko kung may kapangyarihan ito.
Comments