iMINDSPH
Naglabas na ng opisyal na pahayag ang BARMM Government at kinumpirma ang appointment ni Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua bilang bagong Interim Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao kapalit ni MILF Chairman Ahod Ebrahim.
Naghayag ng pasasalamat ang BARMM Government kay outgoing Chief Minister Ebrahim. Sa gabay nito, ayon sa pahayag,, nasaksihan ang pagbabago sa rehiyon kung saan pinalakas ng ugnayan ang implementasyon ng programa para sa Bangsamoro, umusbong ang ekonomiya na nagresulta sa mabilis na pagbaba ng poverty incidence sa BARMM.
Lumago rin ayon sa pahayag, ang political foundations sa pamamagitan ng pagpasa ng landmark legislations at polisiya.
Sa pagbabagong ito sa liderato ng BARMM Government, ayon sa pahayag, mas matutukan na ni outgoing Chief Minister Ahod Ebrahim, ang paghahanda para sa first parliamentary election sa rehiyon ngayong Oktubre bilang chairman ng MILF at president ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP.
Tiniyak ng BARMM Government ang isang maayos na pagpapalit ng liderato sa BARMM at siniguro na hindi maaantala ang operasyon at anumang paghahatid ng serbisyo at implementasyon ng mga programa.
Malugod ding tinanggap at binati ng Bangsamoro Government ang mga bagong appointed members ng BTA Parliament na mahalaga para sa pagsasapinal ng mga natitirang key legislations at transition priorities.
Sa pagtahak sa final stretch ng transition period, nanawagan din ang BARMM government sa lahat na manatiling nagkakaisa sa sama-samang paghahangad ng moral governance, justice, peace at maliwanag na bukas para sa Bangsamoro.
Araw ng Biyernes, March 7 nang pinadala sa BARMM Government ang kopya ng appointment ng bagong Interim Chief Minister ng BARMM, Abdulraof Macacua.
Bago ito na-appoint sa posisyon, nagsilbi si Macacua bilang gobernador ng Maguindanao del Norte. Nagsilbi rin itong Environment, Natural Resources, and Energy Minister ng BARMM at nanungkulan bilang Senior Minister ng Bangsamoro Government.

Kommentare