Lalaki na residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, arestado sa Cotabato City dahil sa pagdadala ng hindi lisensiyadong baril at paglabag sa COMELEC gun ban
- Teddy Borja
- Feb 3
- 1 min read
iMINDSPH

Huli ang 35-anyos na residente ng Darapanan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte dahil sa pagdadala ng hindi lisensiyadong baril ala 1:00 ng madaling araw, a-dos ng Pebrero sa Rosary Heights 10, Cotabato City.
Bukod sa paglabag sa Republic Act 10591, lumabag din ang suspek sa ipinaiiral na COMELEC gun ban.
Sa report ng Cotabato City Police, rumisponde sa lugar ang otoridad matapos makatanggap ng ulat hinggil umano sa insidente ng pagnanakaw.
Nakita umano ang suspek na may dalang baril. Sa pagsisiyasat ng otoridad isa itong improvised UZI caliber .30 na walang serial number at loaded ng anim na mga bala.
Walang maipakitang dokumento ang suspek sa dala nitong baril.
Agad dinala sa Police Station 2 ng syudad ang suspek para sa dagdag na imbestigasyon at dokumentasyon habang ang nakuhang baril ay ipapadala sa Regional Forensic Unit-BAR para sa ballistic examination at custody.
Isasailalim din ang nahuling suspek sa drug testing.
Inihahanda na ang kasong illegal possesion of firearms at paglabag sa COMELEC gun ban laban sa suspek.
Comments