Mag 2 years old na bata, matagumpay na naiuwi sa Pilipinas mula Riyadh, Saudi Arabia matapos pumanaw ang kanyang ina na isang domestic helper sa kumplikasyon sa sakit na pulmonary tuberculosis
- Diane Hora
- Feb 6
- 2 min read
iMINDSPH

Hindi lamang ang kaligtasan at kapakanan ng mga Overseas Bangsamoro Workers ang tinitiyak ng Ministry of Labor and Employment kundi maging ang dependents ng mga OBW.

Matagumpay na naiuwi sa bansa ang magda dalawang taong gulang na undocumented minor mula sa Riyad, Saudi Arabia kung saan isang domestic helper ang kanyang ina.

Pumanaw sa kumplikasyon sa pulmonary tuberculosis ang ina ng bata.

Pagdating sa bansa, itinurn-over ang bata sa Lamitan City Social Welfare and Development Office team at sa kaanak nito, partikular sa kanyang appointed guardian na kapatid ng lola ng bata.

Sinaksihan rin ito ni MOLE Zamboanga Satellite Office Head, Engr. Hatta Jumdain at MOLE Basilan Field Office Head Amna Farrah Alihuddin.

Sa ibinahaging impormasyon ng MOLE BARMM, matapos pumanaw ang ina ng bata, pansamantala itong nasa pangangalaga ng Bahay Kalinga 2 sa Riyadh at sa MWO sa Riyadh. Iniulat na inabandona na ang bata ng kanyang ama bago pa man ito isilang.

Inihanda ni MWO Social Welfare Attaché Rosemarie Fabros-Alvez ang lahat ng pangangailangan ng bata bago ang pag alis nito sa Saudi Arabia.
Sinamahan ni MWO Administrative Staff Teresa Narag ang bata sa pagbiyahe mula sa Riyadh patungong Metro Manila.
Mula Maynila ay naihatid na rin ang bata sa Lamitan City, Basilan, araw ng Martes.
Ang kanyang repatriation mula Saudi Arabia patungo sa bansa ay pinangasiwaan ng Migrant Workers Office, Department of Social Welfare and Development, Ministry of Social Services and Development, at Overseas Workers Welfare Bureau ng MOLE BARMM.
Naging parte ang MOLE BARMM sa pagpapauwi sa bata sa Pilipinas nang nakipag ugnayan ang MWO sa tanggapan para sa koordinasyon sa MSSD at matiyak na ligtas na makakauwi ang bata sa kapatid ng lola nito sa Basilan.
Sa programa ng MOLE-OWWB, kinokonsidera ang bata o ang kaanak nito maging qualified beneficiaries sakaling mag-a-apply ito sa ilalim ng Social Benefits Program.
Ang programang ito ay naglalayon na maibsan ang epekto ng dismemberment, disability o pagpanaw ng OBWs sa pagtatrabaho nito overseas sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta sa apektadong manggagawa at sa pamilya nito.
Comments