top of page

Memorandum ng MILG nag nagpapatigil pansamantala sa preventive suspesion ng 4 barangay officials sa Cotabato City ay isa umanong usaping legal at administratibo—hindi pulitikal at walang kinikilingan

  • Diane Hora
  • 23 hours ago
  • 2 min read

iMINDSPH



Sa inilabas na pahayag ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, iginiit ng City Government na walang masamang intensyon na dapat iugnay sa naging aksyon ni BARMM Interim Chief Minister at concurrent MILG Minister Abdulraof Macacua.


Ayon sa lokal na pamahalaan, ang memorandum ay isang institutional act na ginabayan ng batas, tamang panahon, at wastong proseso.


Binigyang-diin ng City Government na ang isyu ay umiikot lamang sa 90-day election prohibition period, gaya ng malinaw umano na isinasaad sa Bangsamoro Local Governance Code of 2023. Sa loob ng 90 araw bago ang isang lokal na halalan, hindi maaaring ipataw o ipatupad ang preventive suspension laban sa mga lokal na opisyal.


Dahil nakatakda ang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Marso 30, 2026, opisyal na nagsimula ang prohibited period noong Disyembre 30, 2025 ayon pa sa pahayag. Sa ganitong konteksto, ipinaliwanag ng opisyal na ang MILG memorandum ay simpleng pagkilala lamang sa umiiral na legal na limitasyon sa panahong ito—wala umanong kinalaman sa motibo, intensyon, o political alignment.


Nilinaw rin na ang mga preventive suspension order ay nilagdaan at inilabas ng City Mayor bago pa man magsimula ang 90-day prohibited period, kasunod ng aksyon ng Sangguniang Panlungsod ng Cotabato City. Ang tanging naapektuhan ng election ban ay ang implementasyon ng suspension habang umiiral ang pagbabawal.


Ayon pa sa pahayag, ang MILG memorandum ay hindi nagdedeklara na mali, ilegal, o hindi wasto ang naging hakbang ng 18th Sangguniang Panlungsod. Ito ay isang internal at administratibong gabay lamang ayon sa pahayag para sa mga field officers ng MILG kung ano ang maaari at hindi maaaring ipatupad sa kasalukuyang panahon.


Hindi rin nito pinawawalang-bisa ang mga proseso ng konseho, wala itong hatol sa kasalanan o kawalan ng sala, at hindi rin ito nagbibigay-proteksiyon laban sa pananagutan. Ang tinutukoy lamang ng memorandum ay ang timing ng implementasyon, alinsunod sa batas.


Binigyang-linaw din ng City Government ang papel ng alkalde ay nananatiling purely ministerial. Ibig sabihin, ang alkalde ay kumikilos lamang ayon sa pahayag ayon sa mandato ng batas at desisyon ng Sangguniang Panlungsod—hindi siya humahatol ng kasalanan, hindi pumapalit sa kapasyahan ng konseho, at hindi lumalampas sa itinakdang proseso.


Ayon sa pahayag, ang preventive suspension ay hindi hatol ng pagkakasala, kundi pansamantalang hakbang na saklaw ng due process.


Sa huli, muling tiniyak ng Pamahalaang Lungsod ng Cotabato na nananatiling magkatuwang ang Bangsamoro Government at City Government sa pagtataguyod ng rule of law, maayos na pamamahala, at integridad ng demokratikong proseso.


Nanawagan din ito sa publiko na manatiling kalmado, mapanuri, at nakabatay sa tamang pag-unawa sa batas. Anila, ang mabuting pamamahala ay nagmumula sa malinaw na tungkulin, mabuting loob, at paggalang sa proseso—kung saan ang moral governance ang nagsisilbing gabay sa bawat desisyon at aksyon ng pamahalaan.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page