top of page

PAMAMARIL PATAY SA ISANG IP LEADER SA DATU HOFFER, MAGUINDANAO DEL SUR, KINONDENA NG TANGGAPAN NI MP FROILIN MENDOZA

  • Teddy Borja
  • Dec 11, 2024
  • 2 min read

iMINDSPH



Sa inilabas na pahayag ng tanggapan ng mambabatas, sinabi ng opisyal na si Baywan Angan ay isang kilalang lider ng Mënubú Dulangan na may dugong Lambangian, at isang masigasig na tagapagtanggol ng karapatan ng mga Katutubong Mamamayan sa komunidad.


Ayon sa official statment ng tanggapan ng opisyal, ang biktima ay isang huwarang pinuno na nagbigay ng tapat na serbisyo sa kanyang komunidad. Pinangunahan aniya ng nasawi ang pakikibaka para sa karapatan sa lupa at proteksyon ng kanilang mga ninuno’t lupain. Ang kanyang pagkamatay ayon sa pahayag ay hindi lamang isang personal na trahedya para sa kanyang pamilya, kundi isang masakit na paalala ng patuloy na pakikibaka ng mga Katutubo para sa hustisya at pagkakapantay-pantay.


Ang marahas na pagkamatay ni Angan ayon sa pahayag ay malinaw na larawan ng kawalang-pakundangan sa buhay at karapatan ng mga Katutubo. Siya ang ika-87 na biktima mula sa hanay ng Non-Moro Indigenous Peoples (NMIP) sa rehiyon mula pa noong 2019—isang patunay ng patuloy na diskriminasyon, pang-aabuso, at kawalang-hustisya na nararanasan ng ating mga kapatid na Katutubo.


Nanawagan ang tanggapan ng mamababatas sa lahat ng mga kinauukulan, mula sa ahensya ng gobyerno sa loob ng Bangsamoro Region at Pilipinas na may mandato upang habulin at panagutin ang may gawa ng krimen, na magsagawa ng mabilis at patas na imbestigasyon upang panagutin ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.


Hinihikayat din sa pahayag ang lahat ng mamamayan at institusyon sa Bangsamoro at Pilipinas na magkaisa sa pagtataguyod ng kapayapaan at pagkakapantay-pantay. Ayon sa pahayag ang buhay at prinsipyo ni Baywan Angan ay hindi anila dapat maglaho nang walang saysay. Nawa’y magsilbi anila itong paalala na ang karapatan ng bawat Katutubo ay dapat kilalanin at igalang, bilang bahagi ng ating kolektibong adhikain para sa katarungan at pagkakaisa.



 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page