PATAS AT INKLUSIBONG REPRESENTASYON SA PARLIAMENT
- Diane Hora
- 8 hours ago
- 2 min read
iMINDSPH

Sa final round ng consultation, nagharap ang mga gobernador mula sa limang lalawigan sa BARMM at mga miyembro ng BTA Parliament.
Nagkaisa ang limang gobernador ng mga lalawigan sa Bangsamoro Autonomous Region sa kanilang panawagan para sa patas at inklusibong representasyon, habang isinasapinal ng Bangsamoro Parliament ang redistricting ng 32 parliamentary districts bilang paghahanda sa kauna-unahang regular na halalan sa rehiyon sa Oktubre 2025.
Malugod itong tinanggap ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua na muling iginiit na ang dapat manaig ay pagkakaisa at tunay na representasyon, hindi pansariling interes.
Ang redistricting measure ay isa sa pinakamahalagang panukala na isasabatas sa kasaysayan ng rehiyon, na magtatakda kung paano hahatiin ang 80 seats sa Bangsamoro Parliament kung saan 32 dito ang bubuuin mula sa parliamentary districts, 40 sa pamamagitan ng party representation, at 8 bilang sectoral representatives.
Dalawang panukalang batas ang itinutulak sa parliamento. Ito ang
Parliament Bill No. 351 mula sa Government of the Day, at
Parliament Bill No. 347 na isang private member bill.
Pareho itong naglalaman ng iba’t ibang configuration ng district allocation.
Sa ilalim ng Parliament Bill No. 351 ipinapanukala ang pagkakaroon ng siyam na parliamentary districts sa Lanao del Sur, tig-lima sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, apat sa Basilan at Tawi-Tawi, tatlo sa Cotabato City at dalawa sa SGA.
• Lanao del Sur – 9
• Maguindanao del Norte – 5
• Maguindanao del Sur – 5
• Basilan – 4
• Tawi-Tawi – 4
• Cotabato City – 3
• SGA – 2
Habang sa ilalim ng Parliament Bill No. 347, ipinapanukala ang pagkakaroon ng sampung parliamentary districts sa lalawigan ng Lanao del Sur at tatlo naman sa SGA.
• Lanao del Sur – 10
• SGA – 3
Binibigyang-diin ng mga gobernador ang kahalagahan ng representasyon na nakabatay sa dami ng populasyon.
Sinang-ayunan ni Lanao del Sur Governor Mamintal “Bambit” Adiong Jr. ang 9 na distrito para sa kanyang lalawigan—na may pinakamalaking populasyon sa rehiyon na nasa 1.9 milyon.
Mula sa mga isla, nanawagan sina Basilan Governor Mujiv Hataman at Tawi-Tawi Governor Yshmael “Mang” Sali na tiyaking hindi mapag-iiwanan ang kanilang mga lalawigan.
Ipinunto ni Governor Sali ang inaasahang paglobo ng populasyon ng Tawi-Tawi sa 2025 census, na posibleng lumampas sa 500,000—kaya’t nananawagan siya ng dagdag na distrito para sa lalawigan.
Suportado rin nina Governor Datu Tucao Mastura ng Maguindanao del Norte at Governor Datu Ali Midtimbang ng Maguindanao del Sur ang patas na redistricting, para mas mapalawak ang oportunidad sa kaunlaran sa bawat bahagi ng rehiyon.
Hinimok rin ng mga gobernador ang Parliament na isaalang-alang ang posibilidad ng reintegrasyon ng Sulu province sa redistricting process.
Ayon kay CLG Chair Naguib Sinarimbo, ang opisyal na datos mula sa 2025 Philippine Statistics Authority (PSA) census ang magiging pangunahing batayan ng alokasyon. Tiniyak niyang may koordinasyon sa pagitan ng komite at ng PSA para sa datos.
Samantala, sinabi naman ni OPAPRU Assistant Secretary Jordan Bayama, ang redistricting ay isang makasaysayang bahagi ng kasunduang pangkapayapaan na nagbigay daan sa BARMM.
Inanunsyo naman ni Amendments Committee Chair Fahanie Uy-Oyod na magsisimula na ang internal deliberations ngayong weekend at inaasahang matatapos ang committee report para sa plenary deliberations sa mga susunod na linggo.
Comentarios