top of page

Publiko, pinag-iingat mula sa tinatawag na “Super Flu” lalo na sa panahong pabago-bago ang klima

  • Diane Hora
  • 1 hour ago
  • 1 min read

iMINDSPH

Ayon kay Dr. Nor Aine Kansi, Adult Infectious Diseases Specialist ng Cotabato Regional and Medical Center, ang Super Flu ay hindi na bagong sakit at naranasan na rin aniya sa mga nagdaang taon.


Isang aniya itong uri ng seasonal influenza na karaniwang lumalabas tuwing may pagbabago sa panahon.


Ipinaliwanag ng eksperto na ang Super Flu ay isang acute respiratory viral infection, partikular na sanhi ng influenza virus, at mas malala kumpara sa karaniwang trangkaso.


Mabilis umano itong makahawa, lalo na sa pamamagitan ng droplet transmission, gaya ng pagbahing, pag-ubo, o malapitang pakikisalamuha sa may impeksyon


Ayon pa kay Dr. Kansi, kinikilala ng World Health Organization at Centers for Disease Control and Prevention ang influenza bilang isang respiratory infection na naging kapansin-pansin lalo na sa huling bahagi ng ikatlo at ikaapat na quarter ng nakaraang taon.


Bagamat may naiulat nang mga kaso sa lungsod, nilinaw ng doktor na hindi ito mataas ang sirkulasyon at katulad lamang ng trend na nararanasan sa iba pang lugar, kabilang ang Metro Manila.


Dagdag pa niya, mababa ang naitatala nitong mortality rate, dahilan upang hindi ito ituring na alarming sa ngayon. May kakayahan rin umano ang mga ospital sa lungsod na magsagawa ng kinakailangang pagsusuri para sa Influenza A at B, kabilang ang mga strain na karaniwang lumalabas sa Pilipinas gaya ng H3 at H2.


Bilang pag-iingat, nagpaalala rin ang eksperto sa publiko na pairalin ang wastong personal hygiene, sapat na pahinga, tamang nutrisyon, at patuloy na palakasin ang resistensya ng katawan upang maiwasan hindi lamang ang Super Flu kundi pati na rin ang iba pang karaniwang sakit.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page