11 million pesos na pondo, laan ng MBHTE para sa feeding program ng 10,451 mag-aaral sa Maguindanao
- Diane Hora
- 6 hours ago
- 2 min read
iMINDSPH

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Nutrition Month, ipinagkaloob ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ang mahigit P11 milyon na pondo para sa feeding program ng mga mag-aaral sa lalawigan ng Maguindanao.
Pinangunahan nina MBHTE Minister Mohagher Iqbal at Director General for Basic Education Abdullah Salik Jr. ang pormal na turnover ng P11,012,400 na tseke kay Maguindanao del Norte Schools Division Superintendent Dr. Alma Abdula-Nor sa isang seremonyang ginanap noong Hulyo 29 sa bayan ng Matanog.
Ang nasabing pondo ay nakalaan para sa pagpapatupad ng Home-Grown School Feeding (HGSF) Program para sa taong 2025–2026, na layuning mapaunlad ang nutrisyon, kalusugan, at academic performance ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng masustansyang pagkain sa paaralan.
Ngayong taon, tinatarget ng HGSF program ang 10,451 elementary learners mula sa 10 bayan — 5,244 na mag-aaral mula sa 15 paaralan sa Maguindanao del Norte at 5,207 mula sa 13 paaralan sa Maguindanao del Sur.
Ayon kay Minister Iqbal, ang pagbibigay ng masustansyang pagkain at mainit na pagkain sa mga mag-aaral ay hindi lamang nagpapalakas ng katawan kundi sumusuporta rin sa kanilang emosyonal at mental na kalusugan.
Binanggit din niya ang malaking ambag ng mga katuwang sa tagumpay ng programa, kabilang ang United Nations World Food Programme (UN-WFP), Embassy of Japan, mga lokal na magsasaka, guro, local government units, at iba pang stakeholders.
Kaugnay ng feeding fund, ipinamamahagi rin ang mga sumusunod na suporta:
• Kagamitan sa kusina, Iron Fortified Rice mula sa UN-WFP
• Garden tools at binhi mula sa Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR)
• Deworming services mula sa Ministry of Health (MOH)
• Gulay at prutas mula sa mga lokal na magsasaka
Pinangunahan din nina Minister Iqbal at UN-WFP Cotabato Head Lyca Therese Sarenas ang pagpirma ng isang joint commitment upang higit pang palakasin ang implementasyon ng programa.
Dumalo rin sa aktibidad sina MBHTE Director General Abdullah Salik Jr. at mga board members; BPDA Director General Engr. Mohajirin Ali; MOH Chief of Nutrition Celia Sagaral; MDN Community Affairs Officer IV Dr. Baiking Balinte; Matanog Mayor Zohria Bansil-Guro at kanyang vice mayor; at ilang kasapi ng security sector.
Ang Bangsamoro Government ay nakibahagi sa ika-51 National Nutrition Month ngayong Hulyo sa ilalim ng temang:
“Food and Nutrition Security Maging Priority: Sapat na Pagkain, Karapatan Natin.”
Comentarios