₱16M halaga ng mga kagamitan sa paggawa ng baril, nasabat ng PNP sa raid sa Laguna
- Teddy Borja
- Dec 4
- 1 min read
iMINDSPH

Nabuwag ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang isang illegal firearms manufacturing operation sa Los Baños, Laguna noong Nobyembre 29, 2025, ayon sa ibinahaging impormasyon ng Philippine National Police.
Ayon sa ulat ng PNP, mula 9:25 AM hanggang 3:30 PM, ikinasa ng CIDG Laguna Provincial Field Unit, katuwang ang Laguna Provincial Highway Patrol Team at Los Baños Municipal Police Station, ang search warrant para sa paglabag sa Section 32 ng Republic Act 10591 sa Barangay San Antonio.
Dagdag sa report, nadiskubre sa operasyon ang malaking bilang ng firearm parts at components gaya ng lower at upper receivers, silencers/suppressors, muzzle brakes, handguards, barrels, slides, live ammunition, finished at unfinished magazines, charging handles, grips, at recoil springs.
Nakumpiska rin ang limang (5) Computer Numerical Control (CNC) machines, kasama ang mga computer set at kagamitan na ginagamit umano sa paggawa ng mga bahagi ng armas.
Tinatayang nasa ₱16,000,000.00 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na kagamitan.
Ayon sa ulat, ang subject ng search warrant—na kinilala lamang bilang “Allan,” residente ng nasabing barangay—ay hinihinalang sangkot sa illegal na paggawa ng mga bahagi ng long firearms. Siya ay kasalukuyang at-large habang inihahanda ang kasong kriminal para sa paglabag sa Section 32 ng RA 10591.
Pinuri ni Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr. ang mabilis at maayos na koordinasyon ng mga operatiba, binigyang-diin na ang mga ganitong operasyon ay direktang nakapagsasagip sa mga komunidad mula sa posibleng karahasan.
Sa report, tinitiyak ng PNP sa publiko na mananatili itong matatag sa pagpapatupad ng batas, at mas lalo pang paiigtingin ang mga proaktibong operasyon laban sa kriminalidad at illegal firearms manufacturing sa buong bansa.



Comments