2 batang may kapansanan, pinatunayan na ang diwa ng inklusibong edukasyon ay pagtrato sa kapansanan bilang bahagi ng likas na pagkakaiba-iba ng tao at paniniwalang ang bawat bata
- Diane Hora
- Dec 5
- 2 min read
iMINDSPH

Ibinahagi ng MBHTE sa pagdiriwang ng International Day of Persons with Disabilities ang dalawang mag-aaral sa rehiyon na may kapansanan.
Si Mari, ayon sa MBHTE, ay isang batang may cleft palate at may kahirapan sa pagsasalita, na kilala sa kanyang tapang, sigla, at likas na pagkamausisa.
Ayon sa ministry, aktibo itong nakikilahok sa mga gawain sa klase, mabilis makabuo ng pagkakaibigan, at buong siglang nagbabahagi ng kanyang mga ideya.
Ang kanyang presensya ay nagbibigay kulay at sigla sa kapaligirang pang-edukasyon ng kanyang mga kamag-aral.
Samantala, si Arian, na isang batang may kapansanan sa pandinig at ang komunikasyon ay hindi berbal, ay isa umanong mag-aaral na masinop, mapanuri, at lubos na nakatuon sa pag-aaral.
Hindi siya pumapalya sa pagpasok at may matinding koneksyon sa mga kuwentong biswal, lalo na sa Isla Maganda animated videos na nagpapalawak ng kanyang imahinasyon.
Ang kanyang tahimik ngunit matatag na determinasyon ay patunay na ang mga bata ay maaaring umunlad kapag nirerespeto ang iba’t ibang estilo ng komunikasyon sa loob ng silid-aralan.
Para kay Teacher Sahara, ang pagtuturo sa mga batang may kapansanan ay hindi pasanin—ito ay tungkulin aniya tungo sa pagbibigay ng inklusibo at de-kalidad na edukasyon sa bawat bata.
Dinisenyo ng guro ang mga aralin nito, routine, at interaksiyon sa klase upang kilalanin ang lakas ng bawat mag-aaral at tanggalin ang anumang hadlang sa kanilang paglahok.
Malaking ambag aniya ang mga inclusive materials gaya ng Isla Maganda animated videos, audio episodes, at workbooks. Ang mga kuwentong nakabatay sa karanasan ay tumutulong kina Mari, Arian, at kanilang mga kaklase na mas madaling maunawaan ang mga aralin at makibahagi sa diskusyon.
Ito aniya ang ipinagdiriwang ngayong International Day of Persons with Disabilities: hindi awa o kawanggawa, kundi ang pagtitiyak na ang inklusiyon ay karapatan at pananagutan.
Paalala ito ayon sa ministry na ang edukasyong inklusibo ay nagiging posible sa pamamagitan ng mga guro, mag-aaral, at komunidad na lumilikha ng espasyong bukas at makatarungan para sa lahat.
Ang kumpiyansa ni Mari, ang determinasyon ni Arian, at ang dedikasyon ni Teacher Sahara ayon sa MBHTE ay nagpapatunay na kapag niyakap ng mga silid-aralan ang pagkakaiba-iba, nagiging mga lugar ito kung saan ang bawat bata ay maaaring matuto, makilahok, at maabot ang kanilang buong potensyal.



Comments