20 most wanted persons, nadakip; higit ₱13M ilegal na droga at smuggled goods, nasamsam sa nationwide operations ng PNP
- Teddy Borja
- 3 minutes ago
- 1 min read
iMINDSPH

Sa kabila ng malawakang deployment ng pulisya para sa seguridad ng mga aktibidad ngayong Pasko, tuloy-tuloy ang police-initiated operations ng PNP laban sa mga wanted na indibidwal, ilegal na droga, at smuggling sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Sa loob ng halos labing-isang oras na monitoring period, 20 wanted persons ang nadakip sa magkakahiwalay na operasyon sa mga lalawigan at lungsod kabilang ang Isabela, Pangasinan, Cavite, Quezon City, Cebu, Palawan, Nueva Vizcaya, Bukidnon, Agusan provinces, Rizal, at Misamis Occidental.
Karamihan sa mga inaresto ay nahaharap sa mabibigat na kaso tulad ng rape, statutory rape, paglabag sa batas na nagpoprotekta sa mga bata, murder, at ilegal na droga. Ilan sa kanila ay kabilang sa regional at national most wanted persons at may mga kasong may piyansa.
Kasabay nito, nagpapatuloy rin ang operasyon kontra ilegal na droga. Sa Iloilo, isang high-value individual ang naaresto sa buy-bust operation kung saan nasamsam ang umano’y shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱1 milyon.
Samantala, sa Cordillera, pinangunahan ng pinagsanib na puwersa ng PNP at PDEA ang marijuana eradication operations sa mga liblib na lugar ng Benguet at Kalinga. Libu-libong puno ng marijuana ang nadiskubre at sinira, na may tinatayang halaga na lampas ₱12 milyon.
Sa Bukidnon naman, nasabat sa isang police checkpoint ang tinatayang ₱1.5 milyong halaga ng undocumented cigarettes. Dalawang indibidwal ang inaresto at ang mga nakumpiskang produkto ay isinurender sa Bureau of Customs para sa wastong disposisyon.
Tiniyak ng PNP na magpapatuloy ang holiday security operations at law enforcement activities alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa buong bansa habang papalapit ang pagtatapos ng taon.



Comments