₱209K halaga ng shabu at armas, nasamsam sa multi-site operation sa Palimbang, Sultan Kudarat
- Teddy Borja
- Dec 5
- 1 min read
iMINDSPH

Nasamsam ng pulisya ang tinatayang ₱209,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu at ilang ilegal na armas sa isinagawang multi-site operation ng awtoridad.
Isinagawa ang operasyon, araw ng Huwebes, December 4, 2025, bandang alas-2:00 ng umaga sa Barangay Malisbong, Badiangon, at Lopoken.
Pinangunahan ng Regional Intelligence Division 12, Regional Police Drug Enforcement Unit 12, at Regional Mobile Force Battalion 12 ang operasyon kasama ang Regional Intelligence Unit 12, PNP SAF, at Palimbang MPS na sumakop sa tatlong barangay.
Kinilala ang mga nahuling suspek na sina alyas “Noel,” na nakuha sa posesyon nito ang 5.4 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱36,720.00; isang alyas “Gaho,” na nahulihan ng 8.4 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱57,120.00, isang .45 cal pistol na may tatlong bala, at isang hand grenade; at alyas “Bodin,” na nakumpiskahan ng 5.6 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱38,080.00 at isang 9mm magazine na may 12 live rounds.
Lahat ng naaresto ay dinala sa Palimbang MPS kasama ang nakumpiskang ebidensya para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.



Comments