₱29.5M illegal drugs, nasamsam ng PNP sa magkakahiwalay na operasyon sa buong bansa sa loob ng 24 oras kung saan 9 High-Value Individuals ang arestado sa isinagawang mga operasyon
- Teddy Borja
- Dec 2
- 2 min read
iMINDSPH

Umabot naman sa ₱29.5 million ang nasamsam ng PNP na halaga ng iligal na droga sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at siyam na high-value individuals ang naaresto sa dalawampu’t apat na oras.
a Zamboanga City, dalawang HVI ang naaresto sa Barangay Baliwasan at nakumpiska ang 250 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1.7 milyon.
Sumailalim ang mga suspek sa medical at drug examination habang isinasapinal ang kasong paglabag sa R.A. 9165.
Sa Palawan, natuklasan ng Linapacan MPS ang 4,426 gramo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng ₱23.4 milyon sa coastal area ng Sitio Agutayan.
Nasa forensic examination na ang ebidensya bago i-turnover sa PDEA.
Sa Iloilo, magkakasunod na operasyon sa Dumangas, New Lucena, at Iloilo City ang nagresulta sa pag-aresto ng ilang high-value at street-level drug personalities.
Sa Dumangas, nasamsam ang 180 gramo ng shabu (₱1.22M) at naaresto ang apat na suspek.
Sa New Lucena, isang HVI ang nasakote at nakumpiska ang 145 gramo ng shabu (₱986,000).
Sa Arevalo, Iloilo City, dalawang HVI pa ang naaresto matapos masabat ang humigit-kumulang 205 gramo ng shabu (₱1.39M).
Sa Cordillera region, nadiskubre at sinunog ng mga awtoridad ang 3,840 fully grown marijuana plants na may halagang ₱768,000 sa Sitio Lipay, Kayapa, Bakun, Benguet.
Naitabi ang sample para sa forensic testing bago nilinis ang taniman.
Pinuri ni Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr. ang determinasyon ng mga pulis at iginiit na ang mga operasyon ay patunay ng patuloy na pangangalaga sa komunidad.
Ayon naman kay PNP Spokesperson PBGEN Randulf Tuaño, mas tumitibay ang kampanya dahil sa tiwala at kooperasyon ng publiko.
Tiniyak ng PNP na naisagawa ang lahat ng operasyon sa ilalim ng batas at may paggalang sa karapatang pantao. Hinimok din ang publiko na maging mapagmatyag at ireport ang mga kahina-hinalang aktibidad sa 911 at police assistance desks.



Comments