36-anyos na babae at ang kanyang 8-buwang sanggol, nailigtas ng PNP mula sa pananakit ng live-in partner nitong isang security guard; sekyu, arestado.
- Teddy Borja
- 3 days ago
- 1 min read
iMINDSPH

Isang 36-anyos na babae at ang kanyang 8-buwang sanggol ang nailigtas matapos ang mabilis na pagtugon ng PNP sa tawag sa Unified 911. Isang 26-anyos na security guard ang inaresto dahil sa pananakit sa kanyang live-in partner habang hawak ang kanilang sanggol.
Bandang alas-7:00 ng umaga, iniulat ng biktima sa Unified 911 Hotline na siya ay pinilit sa isang sexual act ng kanyang live-in partner, na nauwi sa verbal at pisikal na pananakit sa loob ng inuupahang bahay sa Gagalangin habang hawak ang kanilang 8-buwang sanggol.
Agad tumugon ang Gagalangin Police Community Precinct at Raxabago Police Station. Nailigtas ang biktima at ang sanggol, at bandang alas-9:00 ng umaga ay inaresto ang suspek sa harap ng inuupahang bahay.
Dinala ang biktima sa Tondo Medical Center para sa medico-legal examination. Inihahanda na laban sa suspek ang kaukulang kaso sa ilalim ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Tiniyak ng PNP ang patuloy na pagpapatupad ng kampanya laban sa karahasan sa kababaihan at bata, alinsunod sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



Comments