4 indibidwal, arestado sa magkasunod na buy-bust operation na ikinasa ng awtoridad sa Koronadal City kung saan nasamsam ang P170K halaga ng suspected shabu
- Teddy Borja
- Nov 12
- 1 min read
iMINDSPH

Bandang 8:00 ng gabi noong Nobyembre 11, nagsagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng Koronadal City Police Station katuwang ang South Cotabato Highway Patrol Team sa kahabaan ng General Santos Drive, Barangay Morales, Koronadal City.
Nasabat ng mga awtoridad ang isang pulang Transformer minivan, kung saan napansin sa center console ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na nakalantad.
Sa masusing inspeksyon, natuklasan ang karagdagang mga sachet ng hinihinalang shabu, ilang cellphone, at isang coin pouch.
Agad na inaresto ang tatlong sakay ng sasakyan na nakilalang sina alias “Raymund,” “Jimmy,” at “Arman”, pawang mga residente ng General Santos City.
Tinatayang 20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱136,000 ang nakumpiska at isinailalim sa pagsusuri ng South Cotabato Provincial Forensic Unit.
Samantala, bandang 12:17 ng madaling-araw noong Nobyembre 12, ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng Polomolok Municipal Police Station, SCPPO-Drug Enforcement Unit (DEU), SCPPO-Provincial Intelligence Unit (PIU), at PDEA ang isang buy-bust operation sa Barangay Pagalungan, Polomolok, South Cotabato.
Naaresto sa operasyon si alias “Bebe,” 48 taong gulang, residente rin ng General Santos City.
Nakumpiska mula sa kanya ang labing-isang (11) sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 5.2 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱35,000, kasama ang ₱500 marked money at isang pouch.
Ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Polomolok MPS para sa kaukulang disposisyon, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



Comments