top of page

49 armas, isinuko ng mga residente ng Upi, Maguindanao del Sur sa militar bilang bahagi ng SALW Program ng gobyerno katuwang ang ASPIRE

  • Teddy Borja
  • Aug 11
  • 2 min read

iMINDSPH


ree

Apatnapu’t siyam (49) na iba’t ibang uri ng armas ang boluntaryong isinuko ng mga residente ng Upi sa isang turn-over ceremony na ginanap noong Agosto 8, 2025 sa Municipal Hall ng bayan.


Kabilang sa mga isinukong armas ang cal. .30 Browning Automatic Rifle, 7.62mm rifles, M653 na may M203 grenade launcher, M14 rifles, Garand rifles, M1 carbines, grenade launchers, pistols, revolvers, at shotguns.


Pinangunahan ng 57th Infantry (Masikap) Battalion, sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Aeron Gumabao ang aktibidad katuwang ang 603rd Infantry (Persuader) Brigade na pinamumunuan ni Brig. Gen. Michael Santos, PA sa pakikipag-ugnayan sa Municipal Task Force–Ending Local Armed Conflict (MTF-ELAC) Upi at United Nations Development Programme (UNDP) sa pamamagitan ng ASPIRE Project.


Ipinresenta ni Lt. Col. Gumabao ang mga nasabing armas kay Brig. Gen. Santos, kasama sina Member of Parliament Ramon Piang Sr., Mayor Rona Cristina Piang-Flores, at Project Manager ng UNDP na si Ronnie Arop Jr.,


Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng 57IB ang lahat ng armas para sa ligtas na pag-iingat.


Ayon kay Brig. Gen. Santos, ang matagumpay na pagsuko ng mga kagamitang pandigma ay patunay umano na mas pinipili na ngayon ng ating mga kababayan ang kapayapaan kaysa karahasan.


Ito aniya ay bunga ng matatag na ugnayan at pagtutulungan ng komunidad, lokal na pamahalaan, at militar upang masiguro ang seguridad at kaayusan sa lugar.


Sinabi naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central Commander Major General Donald Gumiran, ang kampanya laban sa paglaganap ng loose firearms ay mahalagang hakbang para mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang karahasan mula sa mga armadong grupo.


Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Program na naglalayong bawasan ang bilang ng mga loose firearms sa mga komunidad sa pamamagitan ng boluntaryong pagsuko ng mga hindi lisensyadong armas.


Katuwang dito ang Assistance for Security, Peace, Integration, and Recovery (ASPIRE) Project ng UNDP, na nagbibigay ng tulong teknikal at nagpapalakas ng kapasidad ng mga lokal na pamahalaan at komunidad upang maisulong ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page