Babaeng high-profile CTG member na may mga kasong rebelyon at paglabag sa international humanitarian law, naaresto sa Butuan City
- Teddy Borja
- 19 minutes ago
- 1 min read
iMINDSPH

Timbog ang isang babaeng high-profile Communist Terrorist Group operative na kinilala sa alyas na “Amazona” matapos isilbi ng Philippine National Police ang mga warrant of arrest kaugnay ng kasong rebelyon at crimes against international humanitarian law.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Amazona,” 26 anyos, babae.
Inaresto ang suspek bandang 2:40 ng hapon noong Disyembre 23 sa Barangay Bancasi, Butuan City.
Ayon sa pulisya, ang suspek ay may aktibong warrant of arrest para sa kasong Rebellion o Insurrection sa ilalim ng Revised Penal Code at paglabag sa Section 4(c) ng Republic Act 9851 o Crimes Against International Humanitarian Law, na inisyu ng mga korte sa Gingoog City at Cagayan de Oro City.
Batay sa ulat, ang suspek ay umano’y kaanib ng Medical Unit ng Sandatahang Digma Group Samsung, na sakop ng Guerrilla Front Huawei at Sub-Regional Committee 1 ng North Central Mindanao Regional Committee. Siya rin ay iniugnay sa ilang karahasang insidente sa Misamis Oriental, kabilang ang pagsunog umano ng dalawang ten-wheeler truck ng Del Monte Philippines noong 2017 sa bayan ng Claveria.
Isinagawa ang operasyon ng CIDG–Lanao del Norte Provincial Field Unit, katuwang ang mga territorial police units at Police Regional Office 10, sa ilalim ng pinaigting na kampanya laban sa mga wanted na miyembro ng Communist Terrorist Group.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Ayon sa Philippine National Police, magpapatuloy ang operasyon laban sa mga wanted na kriminal at teroristang grupo bilang bahagi ng pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.



Comments