BARMM Government, binuksan na ang Shari’ah Public Assistance Office (SPAO), bilang bagong tanggapan na magbibigay ng libreng tulong-legal sa mga maralitang Bangsamoro
- Diane Hora
- 2 hours ago
- 1 min read
iMINDSPH

Binigyang-diin ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, sa mensaheng ipinaabot ni Jamel Macacua, Chief of Staff ng Office of the Chief Minister (OCM), na tinutugunan ng SPAO ang matagal nang pangangailangan ng mga Bangsamoro na walang kakayahang pinansyal para sa malinaw at wastong gabay-legal na nakaangkla sa Shari’ah.
Aniya, ang serbisyong ito ay hindi lamang konsultasyong legal—ito rin ay paraan ng pamahalaan upang makinig, umunawa, at damhin ang tunay na kalagayan at pakikibaka ng mga residenteng Bangsamoro.
Dagdag pa ng opisyal, ang SPAO ay magbibigay ng Shari’ah-grounded, culturally sensitive, at mapagkakatiwalaang legal assistance na makatutulong sa mga pamilya na maresolba ang mga alitan bago pa ito lumala, maggagabay sa kabataan upang maunawaan ang kanilang mga karapatan, at tutulong sa mga negosyanteng Bangsamoro na mapalago ang kanilang kabuhayan sa tamang paraan.
Ayon kay Arsad Abdulrahman, Director III ng SPAO, nakatuon ang tanggapan sa mabilis, tumutugon, at walang bayad na tulong-legal na ginagabayan ng Qur’an, ng mga aral ni Propeta Muhammad (S.A.W.), at ng prinsipyo ng moral governance.
Kasabay ng paglulunsad, ipinresenta rin ng SPAO—na itinatag sa ilalim ng Bangsamoro Administrative Code—ang draft Executive Order para sa pormal na pag-activate ng tanggapan, at isinagawa ang pilot legal consultation bilang panimulang hakbang ng operasyon nito.
Inaasahang magiging mahalagang haligi ang SPAO sa pagsusulong ng access to justice, kapayapaan sa komunidad, at makataong pamamahala sa Bangsamoro Autonomous Region.



Comments