BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, kinondena ang Bondi Beach shooting sa Australia at ang anumang pag-uugnay sa insidnete sa Mindanao lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Min
- Diane Hora
- 58 minutes ago
- 2 min read
iMINDSPH

Mariing kinondena ni Abdulraof Macacua, Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang trahedyang pamamaril na naganap sa Bondi Beach, Australia, na ikinasawi ng ilang sibilyan.
Iginiit ng Bangsamoro Government sa pahayag na ang walang saysay na karahasang ito ay walang puwang sa alinmang lipunan at tahasang sumasalungat sa pagpapahalaga sa kapayapaan, paggalang sa buhay, at dignidad ng tao.
Mariin ding tinuligsa ng pamahalaang Bangsamoro ang anumang pagtatangkang iugnay ang mga salarin sa Mindanao, partikular sa BARMM. Ayon sa pahayag, patuloy na binubuo ng Bangsamoro ang matibay na kapayapaan sa pamamagitan ng inklusibong pamamahala, pagpapatatag ng tiwala ng komunidad, at tuluy-tuloy na kaunlaran.
Batay sa empirical information, nilinaw na ang mga suspek na minsang bumiyahe sa timog Pilipinas ay hindi tumanggap ng anumang uri ng extremist training. Sa halip, ipinapakita ng mga natuklasan ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas na ang kanilang pananatili sa Mindanao ay recreational lamang.
Dagdag sa pahayag na walang naitalang beripikadong presensya ng mga suspek sa rehiyon sa panahon ng kanilang pananatili sa bansa, gayundin ang kawalan ng anumang ulat ng ekstremistang aktibidad na maiuugnay sa kanila. Ayon sa pahayag, sa mga nakalipas na taon, hindi nakaranas ang BARMM ng mga insidente ng marahas na ekstremismo—isang patunay ng lumalakas na tiwala ng mamamayan sa proseso ng kapayapaan at sa mga kongkretong bunga ng kaunlarang naabot sa rehiyon.
Nagpahayag din ng pakikiisa ang Bangsamoro Government sa mga biktima, kanilang mga pamilya, at sa sambayanan ng Australia. Muling pinagtibay ni Chief Minister Macacua ang paninindigan ng pamahalaan sa kapayapaan, katotohanan, at responsableng diskurso, kasabay ng panawagan na iwasan ang mga haka-haka at walang batayang pag-uugnay na sumisira sa mga pagsisikap sa peace-building at sa pagkakaisang panlipunan.



Comments