Basilan Gov. Mujiv Hataman, nilagdaan ang EO 19 para sa "Sagip Kalikasan" program ng probinsya
- Diane Hora
- Nov 14
- 1 min read
iMINDSPH

Sa bisa ng EO No. 19 Series of 2025, na nilagdaan ni Basilan Governor Mujiv Hataman, inilunsad ang programang “Sagip Kalikasan” o Saving and Guarding our Islands' Patrimony for a Green Basilan. Layunin nito na protektahan ang gubat, ilog, at baybayin, habang sinisiguro ang sustainable livelihood ng mga komunidad.
Nilalayon ng programa na tigilan ang illegal activities, panumbalikin ang mga kagubatan, at pangalagaan ang mga watershed, coastal, at marine areas.
Kasabay nito, isusulong ang mga kabuhayang tulad ng agroforestry, organic agriculture, at community-based eco-tourism, na may kasamang training, basic tools, at market support.
Bahagi ito ng Basilan HELPS, bilang tugon sa mga isyung lumitaw sa konsultasyon gaya ng illegal logging sa Sampinit, na nakaapekto sa kabuhayan ng maraming pamilya.
Bubuuin ang Sagip Kalikasan Council na pangungunahan ni Gov. Hataman, kasama ang Provincial Environmental and Natural Resources Office bilang co-chair. Kabilang dito ang mga kinatawan ng Sangguniang Panlalawigan, Provincial Planning, Budget, at Legal Offices, mga water districts na ISAWAD, MAWAD, at LAMWAD, at mga partners mula sa civil society at pribadong sektor gaya ng Nagdilaab Foundation at Basilan Chamber of Commerce and Industry.
Unang ipinag-utos sa council ang pagbabalangkas ng Provincial Environmental Protection and Sustainable Livelihood Framework Plan at ang pagsasagawa ng capacity-building para sa LGUs at komunidad.
Naglaan din ang Kapitolyo ng ₱1.2 milyon na pondo para sa inventory at rehabilitasyon ng kagubatan at ipinatupad ang pagsasara ng mga sawmill sa apektadong lugar.
Dumalo sa paglagda ang mga kinatawan ng MENRE, MAFAR, DENR-ENRO, Nagdilaab Foundation, AFP, PNP, at mga opisyal ng probinsya.
Magsasagawa naman ng tree-growing activities bilang bahagi ng Mindanao Week of Peace.



Comments