Bayan ng Parang, kauna-unahan sa BARMM na nagpatupad ng cashless payment sa palengke at transportation sa ilalim ng “Paleng-QR Ph Plus Program”
- Diane Hora
- Nov 10
- 1 min read
iMINDSPH

Sa panahon ng digital transformation, ang bayan ng Parang ang kauna-unahan sa BARMM na magpapatupad ng cashless payment matapos ilunsad ang “Paleng-QR Ph Plus Program”, isang cashless payment system sa pampublikong pamilihan at lokal na transportasyon.
Pinangunahan ni Parang Mayor Cahar Ibay, kasama sina BARMM Acting Senior Minister Abdullah Cusain at Bangko Sentral ng Pilipinas Cotabato Branch Acting Area Director Dr. Gregorio Baccay III ang launching ng programa noong November 6 sa Parang Public Market.
Sa paglulunsad ng programa, ipinakita mismo ni Mayor Ibay ang paggamit ng digital payment transaction bilang hudyat ng pagsisimula ng cashless economy sa kanilang bayan.
Ang Paleng-QR Ph Plus ay isang inisyatiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of the Interior and Local Government na layuning palaganapin ang paggamit ng QR Ph digital payment system sa mga pampublikong pamilihan at mga tricycle operators.
Tinatayang nasa 300 market vendors, 150 business owners at 1,000 tricycle drivers ang makikinabang at magsasagawa ng digital transactions sa ilalim ng programa.
Ayon kay Acting Senior Minister Abdullah Cusain, na kumakatawan kay Chief Minister at MILG Minister Abdulraof Macacua, malaking hakbang ito patungo sa makabagong pamahalaan at ekonomiya sa Bangsamoro.
Dagdag pa nito, layunin ng pamahalaan na maisama ang lahat ng LGUs sa paggamit ng mga modernong sistemang pampinansyal at digital governance, alinsunod sa Enhanced 12-Point Priority Agenda ng Bangsamoro Government.
Nagpahayag ng suporta ang komunidad sa bagong sistema, bagama’t aminado silang may mga hamon tulad ng kakulangan ng smartphone at internet connection.



Comments