Deliberasyon hinggil sa proposed Bangsamoro Revenue Code, muling gumulong; Ginagawang committee report hinggil sa panukala, puspusan na
- Diane Hora
- Aug 12
- 1 min read
iMINDSPH

Ipinagpatuloy ng Ways and Means Committee ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang deliberasyon ng panukalang Bangsamoro Revenue Code.
Sa paghaharap ng komite, araw ng Linggo, August 10, sinabi ni Ways and Means Committee Chair, Member of Parliament Jose Lorena, puspusan na rin ang kanilang ginagawang committee report hinggil sa panukala.
Tinalakay ng komite ang mga mungkahing amyenda sa ilang probisyon ng panukala, partikular sa usapin ng pagpapataw at pangongolekta ng mga bayarin at charges ng Bangsamoro Government.
Ayon kay Lorena, nakatakdang makipagpulong ang komite sa mga ministeryong may kaugnayan sa pangongolekta ng bayarin upang matiyak na ang pinal na bersyon ng panukala ay may malinaw, patas, at maipapatupad na mga probisyon sa kita ng rehiyon.
Layunin ng Bangsamoro Revenue Code na bigyang kapangyarihan ang Bangsamoro Government na magpataw at mangolekta ng bayarin kaugnay ng mga tungkuling regulasyon, pagbibigay-serbisyo, at pagpapaunlad ng ekonomiya.
Binuo rin ang isang technical working group na binubuo ng mga eksperto mula sa Ministry of Finance, Budget, and Management, Legislative Measures and Legal Assistance Division, at mga konsultant ng CWM upang magsagawa ng masusing pagsusuri, linya kada linya, sa nasabing panukala.
Magpapatuloy ang deliberasyon ngayong linggo.



Comments