KAPYANAN, nakiisa sa selebrasyon ng Shariff Kabunsuan Festival 2025 na, ayon sa programa, ay sumasalamin sa mas malawak nitong layunin na itaguyod ang mapayapa at inklusibong pamayanan
- Diane Hora
- 2 days ago
- 1 min read
iMINDSPH

Nakibahagi ang programang Kapayapaan sa Pamayanan (KAPYANAN) sa makulay at makabuluhang pagdiriwang ng Shariff Kabunsuan Festival 2025 noong Disyembre 19, 2025, bilang bahagi ng patuloy nitong adbokasiya para sa kapayapaan, pagkakaisa, at kaunlaran sa Bangsamoro.
Sa temang “Grounded in Faith, Strengthened by Culture, Driven by Transformation,” ginunita ng pagdiriwang ang pagdating ni Shariff Mohammad Kabunsuan at ang paglaganap ng Islam sa Cotabato City—isang mahalagang yugto sa mayamang kultura at spiritual identity ng rehiyon.
Kasama ang iba’t ibang sektor at institusyon, nakiisa ang KAPYANAN team sa grand parade na nagsimula sa Cotabato State University patungo sa Bangsamoro Ports Management Authority.
Sinundan ito ng taunang Guinakit Fluvial Parade, kung saan itinampok ang mayamang pamana, sining, at tradisyong Moro sa pamamagitan ng makukulay na bangka at makasining na pagtatanghal.
Nagpatuloy ang selebrasyon sa isang Grand Pagana na ginanap sa People’s Palace, na nagsilbing sentrong pagtitipon ng komunidad. Dito binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa, pananampalataya, at pangangalaga sa kultura bilang pundasyon ng sama-samang pag-unlad ng Bangsamoro.
Ayon sa mga kinatawan ng programa, ang pakikilahok ng KAPYANAN sa Shariff Kabunsuan Festival ay sumasalamin sa mas malawak nitong layunin na itaguyod ang mapayapa at inklusibong pamayanan.
Sa gitna ng musika, sayaw, at pananampalataya, muling pinagtibay ng pagdiriwang na ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa matibay na pananampalataya, buhay na kultura, at nagkakaisang komunidad.



Comments