Kinikilalang Amir ng Dawlah Islamiya-Hassan Group, nasawi sa operasyon ng militar sa Barangay Satan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur
- Diane Hora
- Dec 8
- 2 min read
iMINDSPH

Kinilala ng 601st Brigade ng Philippine Army ang nasawing lider ng Dawlah Islamiya-Hassan Group na si Ustads Mohammad Usman Solaiman.
Isinagawa ng mga sundalo ang operasyon, araw ng Linggo, December 7.
Ayon sa militar, si Solaiman ay kapatid umano ni Ustadz Kamaro Usman, na kasapi ng DI-HG at nasawi rin sa isang operasyon ng militar sa Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao del Sur. Kapatid din umano nito si Kumander Badi, ang Battalion Commander ng BIFF-Karialan Faction.
Kilala rin umano itong bomb expert ayon sa militar, at pamangkin ni Basit Usman na nanguna sa Special Operations Group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at may kaugnayan sa Abu Sayyaf at Jemaah Islamiya.
Dagdag ng 601st Brigade, sina Ustads Muhammad Usman Solaiman at Norodin Hassan alyas “Andot,” ang Amir ng Military Affairs ng DI-HG, ang sinasabing mga papalit umano kay @Abu Azim na napatay naman sa Brgy. Dabenayan, Mamasapano, Maguindanao del Sur noong Disyembre 2, 2021.
Ayon sa militar, iniuugnay umano ang grupo ni Solaiman sa pambobomba sa Rural Bus noong Abril 24, 2022 sa Parang, Maguindanao del Norte; Yellow Bus Bombing noong Mayo 26, 2022 sa Koronadal City at Tacurong City; Yellow Bus Bombing noong Nobyembre 6, 2022 sa Brgy. New Isabela, Tacurong City, Sultan Kudarat; Husky Bus Bombings noong Abril 17, 2023 sa Isulan Integrated Terminal; pananambang sa tropa ng 40IB sa Brgy. Tuayan, Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur; at pagpatay umano sa tatlong sibilyang negosyante ng kambing mula Batangas.
Sinabi ni Brigadier General Edgar Catu, Commander ng 601st Brigade, na malaking papel ang ginampanan ng mga residente na nagsumbong sa puwersa ng militar tungkol sa pangingikil ng armadong grupo sa kanilang lugar.
Ayon sa heneral, ang kooperasyon ng komunidad ang nagbigay-daan upang matukoy ang presensya at kinaroroonan ng grupo, na nagresulta sa matagumpay na operasyon laban sa pinuno ng Dawlah Islamiya.
Pinuri naman ni Major General Jose Vladimir Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at JTF Central, ang tropa ng 601st Brigade sa mabilis at epektibong operasyon na nag-neutralize sa lider ng teroristang grupo.



Comments