Labi ng NPA na nasawi sa isang engkuwentro noong 2021 sa Gingoog City, Misamis Oriental, hinukay ng 4ID
- Diane Hora
- 3 hours ago
- 1 min read
iMINDSPH

Matagumpay na isinagawa ng mga tauhan ng 58th Infantry Battalion, sa ilalim ng 402nd Infantry Brigade ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, ang paghukay ng mga skeletal remains ng miyembro ng NPA sa Sitio Mangilet, Barangay Bal-ason, Gingoog City noong December 18, 2025.
Naging posible ang operasyon matapos magbigay ng impormasyon ang mga dating rebelde na kusang-loob na itinuro ang lokasyon ng libingan. Agad namang rumesponde ang tropa ng 58IB at hinukay ang nasabing lugar.
Ayon sa militar, pinaniniwalaang kabilang sa mga narekober na labi ang kay alyas “Rebo”, isang commanding officer ng NPA na umano’y kabilang sa tatlong nasawi sa engkuwentro laban sa pwersa ng gobyerno noong 2021. Dalawa pang iba’t ibang skeletal remains ang natagpuan sa naturang lugar.
Tiniyak ng 58IB na isinagawa ang exhumation nang may buong paggalang at dignidad, alinsunod sa mga makataong prinsipyo, upang mailipat ang mga labi sa tamang libingan at mabigyan ng maayos na huling hantungan ang mga nasawi.
Nakipag-ugnayan rin ang tropa sa SOCO upang magsagawa ng forensic examination at wastong dokumentasyon ng mga narekober na labi.
Ayon kay Lt. Col. Leoncito Grezula Jr., Commanding Officer ng 58th Infantry Battalion, patunay ang operasyon na pinahahalagahan ng militar ang respeto sa buhay at dignidad ng tao kahit sa gitna ng tunggalian.



Comments