top of page

Libo-libong pulis, ikinakalat ng PNP sa mga simbahan at pangunahing lugar sa ilalim ng “Ligtas Paskuhan 2025” upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng Kapaskuhan

  • Diane Hora
  • 24 minutes ago
  • 1 min read

iMINDSPH


ree

Ayon sa PNP, inaasahang milyon-milyong Katoliko ang lalahok sa siyam na araw ng Simbang Gabi mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 24.


Kasunod nito, pinalalakas pa ng PNP ang presensya ng kapulisan sa mga lugar na dinadagsa ng tao.


Sa ilalim ng “Ligtas Paskuhan 2025,” mahigit 70,000 pulis ang ide-deploy sa mga simbahan, pangunahing kalsada, paliparan, pantalan, commercial centers, at iba pang pampublikong lugar.


Nagsimula ang full deployment kaninang alas-6 ng umaga ng Disyembre 16 at magtatagal hanggang alas-6 ng gabi ng Enero 6, 2026.


Ayon kay Acting PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng hakbang na ito na masiguro ang ligtas at payapang pagdiriwang ng Pasko ng bawat pamilya.


Pinaalalahanan din niya ang publiko na maging mapagmatyag, sumunod sa mga paalala ng pulis, at bantayan ang mga personal na gamit habang nasa mga simbahan at pampublikong lugar.


Bilang dagdag na seguridad, paiigtingin ang foot patrols, maglalagay ng checkpoints, at magpapakalat ng mobile patrol units sa paligid ng mga simbahan.


Aktibo rin ang koordinasyon ng PNP sa mga lokal na pamahalaan, barangay officials, at pamunuan ng simbahan upang maging handa sa anumang insidente o emergency.


Muli namang hinikayat ng PNP ang publiko na makipagtulungan at magdiwang nang responsable upang maging ligtas, masaya, at mapayapa ang Kapaskuhan ng lahat.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page