top of page

Mababang functional literacy, mataas na functional illiteracy at classroom congestion, ilan sa mga datos na nais tugunan ni MP Naguib Sinarimbo ng Finance, Budget, and Management Committee sa budget

  • Diane Hora
  • Dec 8
  • 3 min read

iMINDSPH


ree

VID: https://www.facebook.com/share/v/1F3iNPYtw4/ Inilatag ni MP Naguib Sinarimbo sa budget hearing ng MBHTE BARMM ang mga datos na inilabas ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2.


Hiningan ng mambabatas ang MBHTE ng sagot kung ano ang mga nakalaang programa ng ahensya para masolusyonan ang mga nakakabahalang datos na natuklasan ng EDCOM 2.


Sa BARMM, iniulat ng komisyon na mas mababa ang functional literacy natin sa BARMM na nasa 61.7% kumpara sa buong bansa na 69.4%.


Ang functional literacy ay ang kakayahan ng mga mag-aaral na maintindihan ang nababasa, makapagsulat ng mga pangungusap na naiintindihan, at magamit ang mga kakayahang ito sa pang-araw-araw na pamumuhay.


Mataas ang naitalang functional illiteracy sa BARMM base sa report ng komisyon na nasa 38.3% kumpara sa 30.6% sa buong bansa.


Ibig sabihin, ayon sa report, mataas ang bilang ng mga estudyanteng nakakabasa ngunit hindi naiintindihan ang binabasa.


Pagdating sa mga guro, iprinisinta ni MP Sinarimbo na natuklasan ng EDCOM 2 na 34 sa 39 teachers sa mga paaralan ay poor performers sa kanilang mga licensure examination.


Nangangahulugan ito, ayon sa datos na hawak ng lawmaker, na may kakulangan sa kapasidad ng mga institusyong nagtuturo sa ating mga guro bago sila sumabak sa licensure examination.


Natuklasan din ng EDCOM 2, base sa ibinahaging impormasyon ni MP Sinarimbo, na walang center of excellence pagdating sa edukasyon sa BARMM. Ibig sabihin umano, walang institusyon na patuloy na nagpapamalas ng kahusayan sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon.


Nagtala rin ang BARMM ng pinakamataas na drop-out rate sa buong Pilipinas kung saan nasa 90% tayo habang nasa 35% sa buong bansa.


Katumbas nito ay sa 100 na estudyanteng nag-enroll sa kolehiyo, 90 sa mga ito ay tumitigil sa pag-aaral at 18.7% lamang umano sa mga nasa tamang edad para mag-kolehiyo ang nakakapag-aral. Mababa ito sa 28.7% sa buong bansa.


Ayon din sa datos na ibinahagi ng opisyal, halos kalahati umano ng mga Grade 1 hanggang Grade 3 learners sa BARMM ay “low emerging” o hindi makabasa. Nasa 49.44% ang rehiyon kumpara sa 33.63% sa buong bansa.


Nakakabahala din umano, ayon sa opisyal, na sa lahat ng sukatan ng nutrisyon at kalusugan na nagpapababa ng antas ng pagkatuto sa mga mag-aaral, ang BARMM ang may pinakamataas na antas sa lahat ng rehiyon sa buong bansa.


Nasa 34.3% ang insidente ng “stunting” o hindi tamang paglaki ng mga bata sa rehiyon, mas mataas sa average na 23.6% sa buong bansa.


Nasa 16.9% naman ang insidente ng “anemia” o kakulangan sa dugo sa mga bata, mas mataas sa 11.4% sa ibang rehiyon. Resulta ito ng mataas na household food insecurity o kakulangan ng masustansyang pagkain sa pang-araw-araw ng mga mag-aaral — nasa 48.2% ang BARMM, lubos na mas mataas kumpara sa buong bansa na nasa 31.4%.


Nakakabagabag din aniya ang classroom congestion sa rehiyon, o ang pagsisiksikan sa silid-aralan.


Sa labas ng National Capital Region, base sa datos, ang BARMM ang may pinakamataas na classroom congestion, kung saan sa Sulu ay 95.7% ng mga high school students ay nasa mga congested schools, 76.8% naman sa Maguindanao del Sur, 74.8% sa Maguindanao del Norte, at 74.5% sa Basilan.


Ang EDCOM 2 ay isang komisyon ng Kongreso na inatasang suriin ang kalagayan ng edukasyon sa bansa at magrekomenda ng mga reporma upang mapabuti ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.


Umaasa si MP Sinarimbo na matutugunan ng ahensya ang mga datos na ito para mapaglaanan umano ng aksyon.


Sa likod aniya ng mga numerong ito ay may mga batang hindi nakakabasa, mga batang sa susunod na taon ay maaaring tumigil sa pag-aaral.


Hindi dapat, ayon sa opisyal, na manatiling estatistiko lamang ang paghihirap ng kabataang Bangsamoro. Kinabukasan nila ang nakasalalay sa ating mga desisyon.


 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page