Mahigit 1,000 senior citizens sa South Ubian, Tawi-Tawi, tinanggap ang kanilang social pension mula sa MSSD
- Diane Hora
- 23 hours ago
- 1 min read
iMINDSPH

Isinagawa ang pamamahagi ng financial subsidy sa ilalim ng Social Pension for Indigent Senior Citizens Program mula Disyembre 13, 2025 hanggang Enero 5, 2026.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng tig-₱1,000 na buwanang ayuda na anila ay malaking tulong lalo na sa pang-araw-araw na gastusin tulad ng pagkain at maintenance medicines.
Para sa maraming lolo at lola sa iba’t ibang barangay ng South Ubian, ang social pension ay hindi lamang simpleng tulong-pinansyal, isa anila itong konkretong patunay na may gobyernong handang umalalay at magbigay-halaga sa kanilang mga pangangailangan, lalo na sa panahong limitado na ang kanilang kakayahang maghanapbuhay.
Ayon sa MSSD, ang SocPen Program ay isang nationally funded program na ipinatutupad sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, bilang bahagi ng mandato ng Bangsamoro Government na palakasin ang social protection at kalinga para sa mga sektor na higit na nangangailangan—partikular ang mga nakatatanda.
Dagdag pa ng ahensya, patuloy nilang sisikaping maihatid ang mga serbisyong panlipunan sa pinakamalalayong komunidad upang matiyak na walang senior citizen ang mapag-iiwanan.
Sa South Ubian, ang simpleng halagang ito ay nagiging simbolo ng malasakit—isang paalala na ang bawat Bangsamoro senior citizen ay mahalaga at hindi nakakalimutan.



Comments