Mahigit 11 taong Rido sa bayan ng Sultan sa Barongis, naresolba na ba
- Teddy Borja
- Nov 17
- 1 min read
iMINDSPH

Matapos ang serye ng dayalogo at pakikipagpulong na pinangunahan ni Maguindanao del Sur Governor Datu Ali Midtimbang kasama ang matataas na opisyal ng militar ng 601st Brigade, 1st Mechanized Brigade, 33rd Infantry Battalion, at iba pang stakeholders, matagumpay na natuldukan ang gulo sa pagitan ng dalawang grupo nina Commander Manti Mulao at Commander Bangladis Katil sa Barangay Angkyamat, sa bayan ng Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur.
Ang hidwaan, na umabot ng mahigit labing-isang taon, ay nagdulot ng paulit-ulit na armadong sagupaan na nakaapekto sa kapayapaan at kaligtasan ng mga residente ng bayan.
Naroon din sa rido settlement si Datu Anggal Midtimbang, Mayor Nathaniel Midtimbang, Aljoffner Angas, at Commander Wahid Tundok ng 118th BC ng MILF-BIAF.
Binigyang-diin ni Governor Midtimbang ang tunay na kahulugan ng pagkakasundo, na aniya ay pundasyon ng pag-unlad dahil wala umanong programang pangkabuhayan o serbisyong panlipunan ang magiging matagumpay kung patuloy ang hidwaan at kaguluhan.
Sinabi rin nito na ang pagpapakumbaba at pagiging bukas sa pagkakasundo ay patunay na inuuna ang kinabukasan ng bawat pamilya at komunidad.
Sa mensahe naman ni 601st Brigade Commander BGen. Catu, ang matagumpay na rido settlement ay bunga ng pagtutulungan ng komunidad, pamahalaan, at security sector.
Malaki rin ang pasasalamat nito sa dalawang panig sa kanilang tapang na piliin ang kapayapaan kaysa sa patuloy na alitan.
Nananawagan din ang militar sa lahat na ipagpatuloy ang dayalogo at huwag nang hayaang bumalik ang hidwaan.
Pinuri naman ni 6th ID Commander MGen. Jose Vladimir Cagara ang pamunuan ng pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao del Sur kasama ang 601st Brigade at 1MechBde sa matagumpay na rido settlement upang mapanatili ang kaayusan sa lugar.



Comments