Mahigit ₱200,000 halaga ng smuggled cigarettes, nasamsam ng mga awtoridad sa isang kotse sa Glan, Sarangani Province; 27-anyos na lalaki, arestado ng awtoridad
- Teddy Borja
- 3 days ago
- 1 min read
iMINIDSPH

Tiklo ang isang 27-anyos na lalaki matapos mahuli ng awtoridad kasunod ng isang habulan nang umiwas ang sinasakyang kotse sa checkpoint. Nabangga ng kotse ang isang SUV sa kasagsagan ng pursuit operation ng awtoridad, kung saan natuklasan ang kargang mga puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit ₱200,000.
Bandang alas-11:30 ng umaga, nakatanggap ng ulat ang Glan Municipal Police Station mula sa 1st Sarangani Provincial Mobile Force Company tungkol sa isang kotse na umiwas sa checkpoint sa Purok Melchomo, Barangay Baliton.
Agad na isinagawa ang joint hot pursuit operation ng Glan MPS, Sarangani 1st PMFC, SPPO-PIU, RID 12 STTA, at Sarangani MARPSTA. Bandang alas-12:03 ng tanghali, sumalpok ang sasakyan sa isang SUV na minamaneho ng isang 65-anyos na lokal na residente sa National Highway, Purok Tulan, Barangay Taluya, Glan.
Matapos ang aksidente, iniwan ng mga suspek ang sasakyan at tumakas. Nahuli ang isang suspek na kilala sa alyas “Alvin,” 27 taong gulang at may asawa, habang ang isa pang suspek na si alyas “Ramil,” residente ng General Santos City, ay patuloy pang tinutugis ng awtoridad.
Umabot sa 279 reams ng umano’y smuggled cigarettes ang nasamsam mula sa sasakyan.
Ang mga nasamsam na produkto ay dinala sa Glan Municipal Police Station para sa inventory bago ipasa sa Bureau of Customs, General Santos City.
Kaugnay nito, inihahanda na ng awtoridad ang kaukulang kaso laban sa suspek sa ilalim ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law, at Article 151 ng Revised Penal Code para sa inquest proceedings.



Comments