top of page

Mahigit ₱20B halaga ng FMR projects, isinusulong sa ilalim ng PRDP Scale-Up

  • Diane Hora
  • Dec 17
  • 1 min read

iMINDSPH

ree

Sa datos ng PRDP Mindanao, umaabot sa ₱20.02 bilyon ang kabuuang halaga ng mga farm-to-market road projects na isinasagawa sa rehiyon.


Dalawa rito ang tapos na, 32 ang kasalukuyang ginagawa, lima ang nasa procurement stage, habang 54 pa ang nasa pre-approval—isang malawak na pipeline na inaasahang magpapalawak ng rural access at magpapataas ng produksiyong agrikultural.


Ayon sa Department of Agriculture, pangunahing layunin ng mga proyektong ito ang ikonekta ang matagal nang hiwalay na mga sakahan sa merkado, pababain ang gastos sa transportasyon, at palakasin ang value chain ng agrikultura sa Mindanao.


Binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang malaking epekto ng maayos na kalsada sa mga lupang hindi pa napapakinabangan.


Aniya, may mga lugar na libu-libong ektarya ang maaaring bungkalin at gawing produktibo kapag nagkaroon ng sapat na road access, partikular sa mga probinsiyang matagal nang kulang sa imprastraktura.


Bukod sa mga kalsada, sinusuportahan din ng PRDP Scale-Up ang pagtatayo ng cold storage facilities, dryers, silos, at iba pang post-harvest facilities upang mabawasan ang pagkalugi ng ani at mapataas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda.


Habang inaasahang babalik sa buong pangangasiwa ng DA ang national FMR program pagsapit ng 2026, patuloy namang itinutulak ng PRDP Mindanao ang mga proyektong imprastraktura na nakikitang susi sa pagbubukas ng idle farmlands, pagpapalawak ng market access, at pagsusulong ng inklusibo at matatag na kaunlarang agrikultural sa Mindanao.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page