Mahigit ₱471K halaga ng puslit na sigarilyo, nasamsam ng otoridad sa Pikit, Cotabato kasama ang ilang baril; 2 suspek, arestado
- Teddy Borja
- 3 hours ago
- 2 min read
iMINDSPH

Mahigit apatnaraang libong piso na halaga ng puslit na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad matapos maharang ang isang sasakyan sa isang checkpoint operation. Arestado ang dalawang suspek sa operasyon kung saan nasamsam din ang ilang armas
Nasabat ng awtoridad ang puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱471,480 sa isang checkpoint operation sa Barangay Poblacion, Pikit, Cotabato, bandang alas-4:35 ng hapon, December 26, 2025.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Pikit Municipal Police Station, 2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company, RID 12 Tracker Team Echo, at 1203rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 12.
Ayon sa pulisya, pinara ang isang orange na pick-up na minamaneho ng dalawang lalaking kinilalang sa mga alyas na “Karim” at “Majid”, kapwa residente ng Barangay Damalasak, Pagalungan, Maguindanao del Sur. Dito nadiskubre ang labindalawang kahon ng mga pulis na sigarilyo o katumbas ng animnaraang reams na walang kaukulang graphic health warnings—patunay na ang mga ito ay smuggled.
Narekober din mula sa sasakyan ang isang long firearm at isang short firearm na isinasailalim sa beripikasyon ng awtoridad.
Isinagawa ang inventory at marking ng mga nasamsam na ebidensya sa lugar ng insidente sa presensya ng mga suspek, barangay official, at kinatawan ng media. Dinala naman ang mga suspek at ebidensya sa Pikit Municipal Police Station para sa booking, dokumentasyon, at masusing imbestigasyon.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act laban sa mga suspek. Samantala, ang mga nasamsam na sigarilyo ay ipapasa sa Bureau of Customs sa General Santos City para sa tamang disposisyon.
Pinuri ni Police Brigadier General Arnold Ardiente, Regional Director ng PRO 12, ang operating units at iginiit ang mariing paninindigan ng pulisya laban sa smuggling activities sa rehiyon



Comments