Malawakang operasyon ng PNP kontra ilegal na droga: apat na high-value individuals ang naaresto at P44-M halaga ng shabu ang nasamsam
- Teddy Borja
- 14 hours ago
- 1 min read
iMINDSPH

Mahigit apatnapu’t apat na milyong pisong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga awtoridad habang apat na high-value individuals ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-drug operations ng Philippine National Police sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa PNP, isinagawa ang sunod-sunod na operasyon mula alas-diyes ng gabi ng Disyembre 14 hanggang alas-nuwebe ng umaga ng Disyembre 15 bilang bahagi ng Enhanced Managing Police Operations o EMPO program.
Binangonan, Rizal: Isang high-value individual ang nadakip matapos makumpiska ang mahigit 1.6 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng higit ₱11.4 milyon.
Samantala sa Tagbilaran City, Bohol, tatlong HVI ang naaresto matapos makuha sa kanilang pag-iingat ang mahigit tatlong kilo ng shabu na may halagang mahigit ₱21 milyon.
Sa Benguet naman, matagumpay ang marijuana eradication operation kung saan libo-libong fully grown marijuana plants at ilang kilo ng tuyong marijuana ang nasamsam, na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱4.4 milyon.
Habang sa Makati City, rumesponde ang NCR Police sa ulat ng dalawang iniwang eco-bag sa isang barangay, kung saan nadiskubre ang libo-libong ecstasy tablets, marijuana kush, marijuana oil vape cartridges, at cocaine na nagkakahalaga ng mahigit ₱7.1 milyon.
Kabilang sa mga nakumpiskang ilegal na droga sa buong bansa ang shabu, marijuana, ecstasy, at cocaine.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang mga naarestong suspek habang isinasailalim sa laboratory examination ang mga nakumpiskang ebidensya. Tiniyak ng PNP na magpapatuloy ang pinaigting na operasyon laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng publiko.



Comments