Mataas na kalibre ng armas at pampasabog, isinuko sa militar ng mga residente ng 7 barangay ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte
- Teddy Borja
- 9 hours ago
- 1 min read
iMINDSPH

Kabilang sa mga isinukong armas sa 1st Mechanized Battalion ay isang Carbine, 5.56mm Bushmaster; isang Mortar, 60mm; dalawang Rocket Propelled Grenade (RPG) Launchers; isang Shotgun, 12-gauge at isang Submachine Gun, 9mm Uzi.
Ayon sa 6th Infantry Kampilan Division mula ito sa mga residente ng barangay ng Sibuto, Ambolodto, Kinebaka, Nekitan, Bongued, Kakar, at Bugawas sa bayan ng Datu Odin Sinsuat.
Isinuko ang mga baril ayon sa militar sa kasagsagan ng isinagawang operasyon sa mga nabanggit na barangay.
Ipinahayag ni Brigadier General Edgar Catu, Commander ng 601st Unifier Brigade, ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga residente na nagpasyang isuko ang kanilang mga armas.
Samantala, muling nanawagan si Major General Donald Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, sa mga mamamayan na may hawak pang armas na makiisa sa isinusulong na kampanya para sa kapayapaan.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaan at kasundaluhan para sa mapayapang pakikipagtulungan tungo sa mas ligtas, tahimik, at maunlad na Mindanao.
Comments