Mga responders sa Maguindanao del Sur, pinarangalan sa ginanap na Unifier Rescue and Response Challenge 2025
- Diane Hora
- Nov 17
- 1 min read
iMINDSPH

Sa isinagawang Unifier Rescue and Response Challenge 2025 na nilahukan ng iba't ibang mga responders sa hanay ng local government units ng Maguindanao del Sur, kasama ang AFP, PNP, BFP, at MDDRMO personnel ng Sultan sa Barongis, Talayan, Rajah Buayan, Ampatuan, Datu Anggal Midtimbang, Datu Piang, Mamasapano, Guindulungan, at Datu Hoffer, ipinamalas ng mga LGU ang kanilang galing sa dalawang-araw na comprehensive simulation exercises.
Dito nahasa ang kanilang husay at kahandaan sa mga sakuna at emergency.
Sa pagtatapos ng serye ng humanitarian at disaster response simulations, iginawad ang mga parangal at cash prizes sa mga yunit at indibidwal na nagpakita ng kahusayan, koordinasyon, at kahandaan sa pagtugon sa sakuna.
Itinanghal na Grand Champion ang Sultan sa Barongis at 1st Runner-Up naman ang Talayan.
Personal na dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng 601st Brigade, Maguindanao del Sur Governor Datu Ali Midtimbang, at iba pang opisyal ang nasabing awarding ceremony.
Ayon kay Office of Civil Defense BAR Director retired Col. Joel Mamon, mahalaga ang koordinasyon ng bawat ahensya upang magkaroon ng epektibong disaster response.
Sinabi naman ni Governor Midtimbang na ipinapakita lamang sa pamamagitan ng challenge na ito na ang probinsya ay seryoso sa pagtataguyod ng kaligtasan at kahandaan.
Para kay 601st Brigade Commander BGen. Edgar Catu, ang tagumpay ng pagsasanay ay patunay ng mataas na antas ng commitment, teamwork, at disiplina na magiging sandigan ng lalawigan sa oras ng kalamidad at emergency.
Suportado naman ni 6th ID Commander Gen. Jose Vladimir Cagara ang inisyatibang ito ng 601st Brigade dahil mas pinalalakas pa ang kahandaan ng mga responder sa kalamidad sa probinsya.



Comments