P107.2 umano’y puslit na mga sigarilyo, nasamsam ng awtoridad sa Santa Cruz, Zamboanga City; 7 indibidwal, arestado
- Teddy Borja
- Nov 14
- 1 min read
iMINDSPH

Mahigit ₱107 milyon pesos na halaga ng pinaniniwalaang smuggled cigarettes ang nasamsam ng awtoridad sa Santa Cruz Island, Zamboanga City. Arestado sa operasyon ang pitong indibidwal.
Ikinasa ng awtoridad ang operasyon alas-4:30 ng hapon, araw ng Miyerkules, November 12.
Lulan ang mga pinaniniwalaang puslit na sigarilyo ng dalawang motorized vessels sa karagatan malapit sa Santa Cruz Island, Zamboanga City.
Habang nagsasagawa ng seaborne patrol, namataan ng mga operatiba ang dalawang kahina-hinalang bangkang de-motor at agad itong hinarang.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad na ang bangka ay may lamang smuggled cigarettes. Pitong lalaki, na pawang residente ng Sulu, Tawi-Tawi, at Zamboanga City, ang sakay ng mga ito at nabigong magpakita ng kaukulang dokumento para sa kanilang kargamento.
Sa isinigawang imbentaryo, nakumpirma ang kabuuang 1,532 master cases ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na may tinatayang market value na ₱107,240,000.00.
Ang mga nasabat na sigarilyo ay nasa kustodiya ng 2nd ZCMFC, habang ang mga bangka at naarestong indibidwal ay ipinasa sa ZCPS 11 para sa tamang disposisyon at inquest proceedings.
Ang operasyon ay isinagawa ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company (ZCMFC) katuwang ang Regional Maritime Unit 9, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at Zamboanga City Police Station 11 (ZCPS 11).
Pinuri ni Police Brigadier General Eleazar P. Matta, Regional Director ng Police Office (PRO) 9, ang koordinadong aksyon ng mga operating units at binigyang-diin ang patuloy na dedikasyon sa pagpapatibay ng seguridad.



Comments