P9.6 milyon na reward money, ibinigay ng PDEA sa 26 civilian informants sa buong bansa
- Teddy Borja
- Aug 11
- 1 min read
iMINDSPH

Sa ilalim ng Operation: Private Eye o OPE, tinanggap ng 26 civilian informants ang P9, 400, 641.00 na kabuuang halaga ng reward mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), araw ng Biyernes, August 8, 2025.
Ang OPE ay isang citizen-based information collection program na layong hikayatin ang mas aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pagbibigay-ulat hinggil sa iligal na droga sa kanilang komunidad.
Sa isinagawang seremonya sa PDEA National Office sa Quezon City, walong informants na naka-full face mask at tinukoy lamang sa pamamagitan ng kanilang code names para mapanatili ang kanilang anonymity ang personal na tumanggap ng cash reward. Ang iba naman ay tumanggap ng kanilang gantimpala sa kani-kanilang PDEA Regional Offices sa buong bansa.
Dalawang informants ang naging top earners na tumanggap ng ₱2,000,000.00 bawat isa.
Kabilang sa kanilang ibinahaging impormasyon ang nagresulta sa pagkakasamsam ng 119,930.55 gramo ng shabu at pag-aresto sa isang suspek sa Port of Calapan, Oriental Mindoro noong Marso 21, 2025.
Gayundin ang pagkakasamsam ng 29,926.10 gramo ng shabu at pag-aresto sa tatlong suspek sa isang buy-bust operation sa Norzagaray, Bulacan noong Mayo 15, 2025.
Ang Operation Private Eye Reward Committee, na binubuo ng mga opisyal ng PDEA at kinatawan mula sa sektor ng negosyo, akademya at relihiyon, ang nagsuri, nagsasagawa ng deliberasyon at nag-apruba sa resolusyong maggawad ng gantimpala sa mga impormante.



Comments