Pagtugon sa Low Functional Literacy, pagtutok hinggil sa hiring process ng MBHTE, quality at holistic education, binigyang diin sa Chief Minister’s Hour
- Diane Hora
- Aug 7
- 2 min read
iMINDSPH

Ayon sa Chief Minister, ang edukasyon ang pundasyon ng isang makatarungan at masaganang lipunan. Kaya’t ang kanilang adbokasiya ay hindi lamang nakatuon sa academic excellence, kundi sa edukasyong nakaugat sa kultura, pananampalataya, at pagkakakilanlan ng Bangsamoro.
Sa pamamagitan ng Ministry of Science and Technology (MOST), ayon sa pahayag ni Macacua, lumawak ang suporta ng gobyerno sa STEM education, innovation, at youth development.
Base sa datos na inilatag ng opisyal, mahigit 400 scholars ang tumanggap ng tulong sa ilalim ng BASE at BASE-Merit programs, habang may karagdagang pathways din sa PASE at Bangsamoro International Grants na may kabuuang investment na ₱80.3 million para tiyaking mas maraming kabataang Bangsamoro ang magkakaroon ng access sa edukasyon sa larangan ng siyensya at teknolohiya.
Isa rin sa pinaka aabangang milestone aniya ngayong taon ang pagbubukas ng Bangsamoro Science High School ngayong Agosto kung saan mayroong ₱12.2 million supplemental fund na inaprubahan para sa operationalization nito, na layuning magsanay ng mga future scientists, engineers, at innovators ng Bangsamoro.
Sa ilalim ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE), sinabi ni Macacua na pinabilis ang distribusyon ng learning materials at classroom furniture gaya ng armchairs sa mga pampublikong paaralan—bilang bahagi ng PROJECT IQBAL.
Kasabay nito, pinalakas din aniya ang classroom infrastructure at turnover ng bagong silid-aralan sa iba’t ibang lugar.
Ipinatupad na rin aniya ang RESPECT Program na may Teacher Induction Training at suporta sa Para-Teachers. Layunin umano nito ayon sa opisyal na matiyak na ang bawat guro ay sumusunod sa legal, ethical, at professional standards ng edukasyong Bangsamoro.
Ngunit, aminado si CM Macacua sa mga isyung ibinabato sa proseso ng hiring sa sektor ng edukasyon.
Matapos lumabas ang isang national survey ukol sa literacy, umani ng kritisismo ang estado ng edukasyon sa BARMM. Ngunit ayon kay ICM Macacua, ang mababang literacy rate ay bunga ng dekadang pagkaantala, kaguluhan, at neglect at hindi aniya kakulangan sa talino ng mga bata.
Ayon sa pahayag ng opisyal, hindi na raw sapat ang graduation bilang sukatan ng literacy.
Sa datos sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng MBHTE, mahigit 100,000 out-of-school youth at adult learners ang muling na-enroll—kabilang na ang mga nasa malalayong barangay at conflict-affected areas.
Dagdag ng opisyal, sa ilalim umano ng TABANG Program, patuloy aniya itong tumutulong sa libo-libong kabataang Bangsamoro na makapasok sa kolehiyo, kumuha ng skills training, at makahanap ng kabuhayan.
Pinaalala rin ng Chief Minister ang kahalagahan ng Bangsamoro Education Code—ang kauna-unahang batas pang-edukasyon sa rehiyon na layuning bumuo ng isang inclusive at culturally relevant education system.
Mula noong transition ayon sa pahayag ng opisyal, libo-libong classrooms na ang naitayo at naayos—literal na pagbuo ng mas matatag na kinabukasan para sa Bangsamoro.
Ang henerasyong ito, aniya, ang magdadala ng mga pangarap ng mga nauna sa kanila—at magpapatuloy sa laban para sa kapayapaan at kaunlaran ng Bangsamoro.



Comments