top of page

Panukalang 32.651 bilyon na badyet ng MBHTE, tinalakay ng Subcommittee D of the Committee on Finance, Budget, and Management

  • Diane Hora
  • Dec 3
  • 1 min read

iMINDSPH

ree

Sa gitna ng patuloy na pagsisikap na pagbutihin ang edukasyon sa Bangsamoro Autonomous Region, nananawagan ngayon ang mga mambabatas ng BTA sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) na bigyang prayoridad ang mga barangay na wala pang paaralan sa Bangsamoro Autonomous Region upang matiyak na bawat batang Bangsamoro, mula elementarya hanggang kolehiyo, ay may patas na akses sa edukasyon.


Ang panawagan ay ginawa sa pagsisimula ng deliberasyon ng Subcommittee D ng Committee on Finance, Budget, and Management sa panukalang ₱32.651 bilyong pondo ng MBHTE para sa 2026.


Ipinrisenta nina Education Minister Mohagher Iqbal at iba pang opisyal ng ministry ang kanilang panukala na sumasaklaw sa iba’t ibang programa tulad ng basic at higher education, technical training, Madaris at Asatidz programs, sports, at maging scholarship sa TVET.


Sa 210 barangay na tinukoy na underserved o walang paaralan, 150 na ang nagkaroon ng learning centers na isang malaking hakbang para maabot ang mga mag-aaral sa liblib na lugar.


Bukod dito, 9,891 na ang nakabenepisyo sa Bangsamoro Scholarship Program sa TVET, at 5,959 Asatidz naman ang naipadala upang tumulong sa mga pangangailangan sa edukasyon ng komunidad.


Ang panukalang budget ng MBHTE ngayong taon ang pinakamalaki sa kasaysayan ng BARMM mula nang ito’y maitatag noong 2019.


Nagtakda naman ng dalawang araw na review upang matiyak na ang panukalang ito ay tunay na tugma sa pangangailangang pang-edukasyon ng rehiyon.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page