Partial turnover ng proyektong 100 core shelters na may solar-powered lighting system at suplay ng tubig, isinagawa ng KAPYANAN sa Bagua 1, Cotabato City.
- Diane Hora
- 1 day ago
- 1 min read
iMINDSPH

Ang partial turnover ng 100 core shelter units sa Sitio Pagalungan, Purok Mabagel, Barangay Bagua 1, Cotabato City ay isinagawa noong Disyembre a-22, 2025.
Pinangunahan ang aktibidad ng Acting Senior Minister at kasalukuyang Project Manager ng KAPYANAN na si Abdullah Cusain.
Kinilala nito ang mahalagang papel ng Ministry of Public Works (MPW) sa ilalim ng pamumuno ni Minister Eduard Guerra, na nagpanukala at nagbigay ng pangalan sa programang Kapayapaan sa Pamayanan (KAPYANAN) noong Fiscal Year 2020.
Ang mga modernong core shelter units ay itinayo sa pakikipagtulungan ng MPW at nilagyan ng solar-powered lighting system at suplay ng tubig, na layong tiyakin ang ligtas, episyente, at napapanatiling pamumuhay ng mga benepisyaryo. Ang proyekto ay isa sa mga pangunahing programa ng Office of the Chief Minister (OCM), na nakatuon sa pagbibigay ng panlipunan at pang-ekonomiyang seguridad sa mga komunidad sa Bangsamoro.
Ipinahayag din ng KAPYANAN ang pasasalamat sa Bangsamoro Government na unang pinamunuan ng dating Interim Chief Minister Al Haj Murad Ebrahim at kasalukuyang pinamumunuan ni ICM Abdulraof Macacua, gayundin sa mga kasapi ng BTA Parliament, Pamahalaang Lungsod ng Cotabato, at sa lahat ng implementing agencies na walang sawang nagbigay ng suporta at kooperasyon.
Ayon sa mga opisyal, ang KAPYANAN ay patunay ng matibay na paninindigan ng Bangsamoro Government na tugunan hindi lamang ang pangangailangan sa pabahay, kundi pati ang pangmatagalang seguridad, kabuhayan, at kapayapaan ng mga mamamayan.
Habang patuloy ang implementasyon ng programa, inaasahang mas marami pang komunidad ang mapapakinabangan at mas maraming buhay ang mababago—patungo sa isang mas mapayapa at masaganang Bangsamoro.



Comments