top of page

Repatriated OBW mula Kuwait, tumanggap ng ₱100K disability aid mula sa MOLE-BARMM

  • Diane Hora
  • 4 hours ago
  • 1 min read

iMINDSPH


ree

Ang tulong ay ipinagkaloob ng Ministry of Labor and Employment (MOLE) sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Bureau (OWWB) noong Disyembre 17, 2025.


Ang benepisyaryo na si Shahana Bandon, 45 taong gulang, ay na-deploy sa Kuwait nang siya ay inatake ng malubhang stroke na nagdulot ng halos dalawang buwang pagka-comatose. Pebrero 2025 nang siya ay maibalik sa Pilipinas at agad na dinala sa Cotabato Regional Medical Center, kung saan siya ay sumailalim sa agarang operasyon sa ulo.


Dahil sa mga komplikasyon ng kanyang kondisyon, hindi na malinaw na makapagsalita si Bandon at limitado ang kanyang galaw. Siya ay kasalukuyang naka-wheelchair at ang kanyang kalagayan ay tinukoy bilang permanenteng kapansanan.


Ang tulong-pinansyal ay ipinagkaloob sa ilalim ng pamumuno ni MOLE Minister Muslimin Sema,bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng mga programang pangkawanggawa para sa mga OBW na nahaharap sa problemang medikal, legal, at emerhensiya.


Binigyang-diin naman ni Annuarudin Tayuan, Director ng OWWB, ang kahalagahan ng pagpapabatid sa mga OBW at kanilang mga pamilya hinggil sa mga mekanismo ng suporta ng pamahalaan.


Nagpaabot din ng suporta ang lokal na pamahalaan ng Datu Blah Sinsuat sa inisyatiba. Sa ngalan ni Raida Tomawis-Sinsuat, pinasalamatan ni Juanito Acorin, Municipal Planning and Development Coordinator, at ang MOLE-BARMM sa tulong na ipinagkaloob.


Bukod sa tulong-pinansyal, nagkaloob din ang Municipal LGU ng isang bagong wheelchair para sa benepisyaryo.


Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat ang pamilya ni Bandon sa MOLE at kay Minister Sema sa patuloy na suporta sa kanila sa gitna ng pagsubok. Ayon sa kanyang asawa, gagamitin ang tulong-pinansyal para sa patuloy na gastusing medikal at iba pang mahahalagang pangangailangan kaugnay ng kanyang paggaling at pangangalaga.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page