Risk Management Training at Workshop, isinagawa ng COMELEC bilang bahagi ng paghahanda para sa 2025 Barangay at SK Elections
- Diane Hora
- 4 days ago
- 1 min read
iMINDSPH

Bilang bahagi ng paghahanda para sa 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), matagumpay na isinagawa ng Commission on Elections (COMELEC), sa pamamagitan ng BSKE Project Management Office (PMO), ang tatlong-araw na Risk Management Capacity Training and Workshop.
Ang training at workshop ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento at working committees ng COMELEC, layunin ng aktibidad na palakasin ang kakayahan ng mga kawani na tukuyin, suriin, at tugunan ang mga posibleng panganib na maaaring makaapekto sa darating na halalan.
Pinangunahan ni Commissioner Rey Bulay, ang Commissioner-in-Charge ng 2025 BSKE, ang pagbubukas ng workshop.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kahandaan ng ahensiya sa lahat ng posibleng sitwasyon.
Samantala, ipinahayag din ni Chairman George Erwin Garcia ang kahalagahan ng komprehensibong pagpaplano, kabilang na ang preparasyon ng mga balota at iba pang mahahalagang kagamitan para sa halalan.
Sa unang araw ng aktibidad, tinalakay ang codified Resolution No. 10924, ang komprehensibong panuntunan para sa BSKE, at nirepaso ang updated election timeline.
Ang sumunod na dalawang araw ay kinapalooban ng mga interactive sessions, group discussions, at scenario-planning exercises na tumutok sa iba’t ibang electoral risks tulad ng logistical issues, security threats, disinformation, natural disasters, at iba pang posibleng hadlang sa halalan.
Nanguna sa mga talakayan ang mga eksperto mula sa Department of Science and Technology (DOST) at Nutrition Research Institute (NRI) na nagbigay ng gabay sa risk assessment at preventive strategies.
Nagsilbing makabuluhang plataporma ang tatlong-araw na workshop para sa institutional resilience at proactive election planning, na naaayon sa layunin ng COMELEC na maisakatuparan ang halalang tapat, maayos, at handa sa anumang hamon.
Comments