Senado, nagdesisyong i-archive ang Duterte Impeachment Case kung saan 19 ang bumoto ng “Yes”, 4 ang bumuto ng “No” at 1 ang nag-abstain; Ilang mambabatas, nagpaliwanag sa kanilang boto
- Diane Hora
- Aug 7
- 3 min read
iMINDSPH

Sa botong pabor sa mosyon ni Rep. Rodante Marcoleta, ini-archive ng Senado ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, na ayon sa mga senador ay ginawa bilang paggalang sa desisyon ng Korte Suprema at sa ngalan ng rule of law.
YES
1. Alan Peter Cayetano
2. Pia Cayetano
3. Ronald Dela Rosa
4. JV Ejercito
5. Francis Escudero
6. Jinggoy Estrada
7. Sherwin Gatchalian
8. Bong Go
9. Lito Lapid
10. Loren Legarda
11. Rodante Marcoleta
12. Imee Marcos
13. Robinhood Padilla
14. Erwin Tulfo
15. Raffy Tulfo
16. Joel Villanueva
17. Camille Villar
18. Mark Villar
19. Juan Miguel Zubiri
NO
1. Paolo Benigno "Bam" Aquino IV
2. Risa Hontiveros
3. Francis Pangilinan
4. Vicente "Tito" Sotto III
ABSTAIN
Panfilo Lacson
19 “Yes”, apat na “No” at isang abstention
Isa-isang nagbigay ng paliwanag ang mga senador bago bumoto, kung saan inilahad nila ang paninindigang ang kanilang boto ay hindi para sa personalidad, kundi para sa Konstitusyon at legalidad.
Si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, na inalala pa ang impeachment trial ng kanyang ama noong 2000, ay nagsabing ito ay boto para sa “law over lawlessness” at para sa “country over partisanship.”
Si Sen. Sherwin Gatchalian, na bumoto noong Hunyo laban sa pagbabalik ng Articles of Impeachment sa Kamara, ay bumoto pabor sa mosyon, iginiit na malinaw ang desisyon ng Supreme Court at hindi siya lalabag dito.
Maging si Sen. Loren Legarda, mula sa Senate minority bloc, ay bumoto rin pabor, at sinabing hindi pwedeng magbulag-bulagan ang Senado sa pagiging executory ng desisyon ng Korte Suprema kahit pa may motion for reconsideration mula sa House of Representatives.
Sa kanyang talumpati, pinalagan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga kritiko ng Senado at Korte Suprema, sabay iginiit ang “double standards” at tahasang pinuna ang liderato ng Kamara.
“To the House of Representatives, I say, do not allow yourselves to be used for the blind hatred and ambition of a few, who did things haphazardly, gravely abused their discretion, and violated due process rights under the Constitution as found by the High Court itself. In spite of all these you expect everyone to roll over in obedience.”
“When we did not, you moved hell and high water to destroy personalities, malign reputations, and tarnish institutions. To these people I say this, the Senate is not your playground to run after your political enemies. We are not an accomplice in any grand scheme. While others may be willing to play your game, I am not. I will never bow to a mob. I will never cower to the shrillest of voices.”
Samantala, nagpahayag naman si Senator Bong Go ng paniniwala na haharapin pa rin ng mga Duterte ang mga isyung ibinabato sa kanila.
Kabaligtaran naman ng kanilang paninindigan, si Sen. Risa Hontiveros ay bumoto laban sa mosyon, sabay sabing tinatalikuran ng Senado ang tungkulin nitong litisin ang mga impeachment case.
Dagdag pa niya, binabawasan ng desisyon ng Supreme Court ang kapangyarihan ng taumbayan para panagutin ang mga pinuno.
Si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan naman ay iginiit na wala sa mga bumoto laban sa mosyon ang nagpapahiwatig ng pagsuway sa Korte Suprema. Ang punto aniya ay ang desisyon ay may pending motion for reconsideration pa sa Kamara.
Si Sen. Panfilo Lacson ay nag-abstain sa boto.
Noong Hulyo, naglabas ng desisyon ang Supreme Court na pinipigilan ang Senado sa pagdinig ng impeachment trial laban kay Vice President Duterte. Ayon sa Korte, lumabag ito sa probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa higit isang impeachment proceeding sa loob ng isang taon.
Matatandaang in-impeach ng House of Representatives si Duterte nitong Pebrero, sa mga kasong graft, corruption, at umano’y assassination plot laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ngunit ayon sa defense team ni Duterte, may tatlong naunang reklamo na inihain laban sa Bise Presidente na pawang kinilala na bilang impeachment proceedings.
Pumabor ang Korte Suprema sa posisyong ito at sinabing maaari lamang magsimula ng bagong impeachment proceeding matapos ang February 6, 2026.



Comments