top of page

Tatlong miyembro ng NPA sa Agusan del Norte, sumuko sa militar noong bisperas ng Pasko, bitbit ang armas at mga bala

  • Diane Hora
  • 2 hours ago
  • 1 min read

iMINDSPH


ree

Sumuko ang tatlong kasapi ng New People’s Army sa 23rd Infantry Battalion sa ilalim ng 402nd Infantry Brigade ng 4th Infantry Division ng Philippine Army noong December 24, 2025, sa Jamboree Site, Purok 6, Barangay Alubihid, Buenavista, Agusan del Norte.


Kabilang ang mga sumuko sa natitirang grupo ng Communist Terrorist Group na nag-o-operate sa lalawigan. Isinuko ng mga ito ang isang baril at mga bala, at kasalukuyang sumasailalim sa custodial debriefing at dokumentasyon upang maisama sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng pamahalaan.


Ayon sa mga dating rebelde, ang kanilang desisyon ay bunsod ng matinding pagnanais na makapiling muli ang kanilang mga pamilya at mamuhay nang mapayapa at ayon sa batas, lalo na ngayong panahon ng Pasko.


Ayon kay Lt. Col. Glennford Libre, Acting Commanding Officer ng 23rd Infantry Battalion, ipinapakita ng pagsuko ang malaking impluwensiya ng ugnayan ng pamilya at diwa ng Kapaskuhan sa paghikayat sa mga indibidwal na piliin ang kapayapaan.


Samantala, hinikayat naman ni Brigadier General Adolfo Espuelas Jr., Commander ng 402nd Infantry Brigade, ang iba pang natitirang insurgents na magbalik-loob sa pamahalaan upang muling makapiling ang kanilang mga pamilya at magsimula ng panibagong buhay.


Muling iginiit ni Major General Michele Anayron Jr., Commander ng 4th Infantry Division, ang buong suporta ng hukbong katihan sa mga programang pang-reintegration, pangkabuhayan, at panlipunan ng pamahalaan upang matiyak ang ligtas at maayos na pagbabalik ng mga dating rebelde sa lipunan.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page