1,611 indibidwal, arestado ng mga elemento ng PNP PRO 9 sa 1,452 na ikinasang operasyon kung saan mahigit 500 million pesos na halaga ng shabu ang nakumpiska sa taong 2025
- Diane Hora
- Jan 13
- 2 min read
iMINDSPH

Malaki at malinaw na mga tagumpay sa larangan ng pagsugpo sa krimen, pampublikong kaligtasan, at peace building ang naitala ng Police Regional Office 9 sa loob ng taong 2025, bunga ng pinaigting na pagpapatupad ng batas at malawak na pakikipag-ugnayan sa mga komunidad.
Sa saklaw na Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2025, ipinatupad ng PRO 9 ang komprehensibong estratehiya na nakatuon sa crime prevention, crime solution, at community safety awareness, na ginabayan ng community-oriented at human rights–based policing. Ayon sa ulat, ang tuloy-tuloy na intelligence-driven operations, inter-agency coordination, at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at mamamayan ang naging susi sa mga nakuhang resulta.
Nanguna pa rin ang kampanya kontra ilegal na droga, kung saan 1,452 operasyon ang isinagawa at 1,611 indibidwal ang naaresto. Nasamsam sa mga operasyong ito ang 21,292.06 gramo ng marijuana at 81,577.10 gramo ng shabu, na may tinatayang halagang ₱557.3 milyon, na itinuturing na malaking dagok sa mga sindikato ng droga sa rehiyon.
Pinatibay rin ng PRO 9 ang border security at economic protection sa pamamagitan ng 205 anti-smuggling operations na nagresulta sa pag-aresto ng 224 katao at pagkakakumpiska ng mga smuggled goods na nagkakahalaga ng ₱501.1 milyon, bilang bahagi ng pagsisikap na protektahan ang lehitimong kalakalan at pambansang interes.
Sa kampanya laban sa ilegal na sugal, 1,511 operasyon ang isinagawa na humantong sa pag-aresto ng 3,933 indibidwal, pagkakasamsam ng ₱1.03 milyon sa iligal na kita, at paghahain ng 179 kaso sa korte.
Nanatili ring prayoridad ang pangangalaga sa kalikasan. Umabot sa 2,262 operasyon laban sa ilegal na pangingisda ang naisagawa, na nagbunga ng 2,838 aresto at pagkakasamsam ng yamang-dagat na nagkakahalaga ng ₱81.0 milyon. Samantala, 320 anti-illegal logging operations ang nagresulta sa pag-aresto ng 16 katao at pagkakakumpiska ng 68,428 board feet ng iligal na troso.
Sa manhunt operations, naaresto ng PRO 9 ang 2,641 wanted persons, kabilang ang 702 most wanted individuals, patunay ng tuloy-tuloy na pagtugis sa mga lumalabag sa batas.
Sa larangan naman ng peace and security, 309 miyembro ng Communist Terrorist Group ang na-neutralize, kung saan 302 ang boluntaryong sumuko at pito ang inaresto, na nagpapakita ng bisa ng balanseng lapit sa pagitan ng law enforcement at community-based peace building.
Pinalakas din ang public safety sa kampanya laban sa loose firearms, na nagresulta sa pagkakarekober ng 2,183 baril, pag-aresto ng 479 indibidwal, at paglalagay ng 366 baril sa safekeeping, na malaking hakbang upang mabawasan ang karahasang may kaugnayan sa armas.
Tiniyak ng Philippine National Police–PRO 9 na ipagpapatuloy nito ang propesyonal, tapat, at makataong serbisyo publiko, na ginagabayan ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas, Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” para sa mas ligtas at mapayapang pamayanan.



Comments