DALAWANG BABAE, ARESTADO Matapos mahulihan ng pulisya ng ilegal na mga baril sa Talayan, Maguindanao del Sur
- 3 hours ago
- 1 min read
iMINDSPH

Dalawang babae ang arestado ng pulisya matapos mahulihan ng mga baril sa isang anti-criminality operation kaugnay ng paglabag sa RA 10591. Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas "Samsiah", 34 anyos, residente ng Brgy. Mompong, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, at alyas "Bai", 43 anyos, residente ng Brgy. RH 13, Cotabato City.
Ayon sa Talayan Municipal Police Station, habang nagsasagawa ng mobile patrol sa ilalim ng Oplan Kapkap Bakal/Sita at kaugnay ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation o SACLEO, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa mga kahina-hinalang indibidwal na sakay ng puting SUV na umano’y may dalang ilegal na gamit.
Agad na nagsagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng pulisya at pinahinto ang naturang sasakyan. Sa paunang imbestigasyon, lumabas na ang mga nakasakay ay inutusan lamang na magpakarga ng gasolina, ngunit iniulat din na ang mga baril na nakita sa loob ng sasakyan ay pag-aari umano ng mga suspek.
Sa isinagawang inspeksyon, nakumpirma ang dalawang baril sa loob ng sasakyan na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Nakumpiska sa operasyon ang isang Bushmaster caliber 5.56mm rifle na may serial number BF126612, isang VLTOR caliber 5.56mm rifle na may serial number 114588, sampung bala ng caliber 5.56mm, dalawang short magazines, at isang puting SUV.
Dinala sa Talayan Municipal Police Station ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa tamang dokumentasyon at disposisyon. Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.



Comments